Natukoy na ng eksperto kung anong uri ng bato ang nahukay ng isang aso sa bakuran ng isang bahay sa Legazpi City, Albay, na unang inakala na meteorite.
Sa Jessica Calinog ng GMA Regional TV News nitong Lunes, sinabing ilang linggo na ang nakararaan nang mahukay ng aso sa bakuran nina Lebita Mariño ang naturang bato na ubod nang tibay.
Bagaman hindi naman kalakihan ang laki, pero umaabot sa halos 2.9 kilos ang bigat niro. Hindi rin kayang pira-pirasuhin ng grinder ang bato kaya inakala na isa itong meteorite.
Dinala ang naturang bato sa tanggapan ng Mines and Geosciences Bureau- Bicol, para ilalim sa pagsusuri.
Ayon sa geologist na si Emer Basilan, hindi meteorite ang bato kung hindi hematite na ginagamit sa paggawa ng bakal.
Mayroon ding magnetic ang naturang bato.
May nilinaw din ng MGB tungkol sa paniniwala ng iba na may mataas na presyo ng meteorite. Pero sa katotohanan, inihayag ng MGB, hindi gaanong mahalaga ang naturang bato na galing sa kalawakan dahil wala itong puwedeng paggamitan, hindi kagaya ng ibang uri ng bato.
Samantala, masaya naman si Mariño na nalaman na nila kung anong uri ang bato na nakita sa kanilang bakuran at mapapanatag na sila. --FRJ, GMA Integrated News