Marami ang takot at lumalayo sa ahas dahil sa takot na matuklaw. Pero sa bayan ng Algeria sa Surigao Del Norte, isang uri ng ahas ang sinasadyang puntahan ng mga taong maysakit para kusang magpatuklaw dahil sa paniwala nila na nakagagaling ang kamandag nito-- ang pit viper o dupong.
Sa ulat ni Bernadette Reyes sa "Dapat Alam Mo," ikinuwento ng manggagamot na si Jovy Tero, na walong-taong-gulang siya noon nang magkaroon siya ng lagnat na hindi nawawala at nagsusuka.
Ang ginawa umano ng kaniyang ama, ipinakagat siya sa dupong. Dalawang oras pagkaraan siyang makagat ng ahas, nawala na raw ang kaniyang lagnat.
Kaya kahit may kamandag ang dupong, tinatawag nila itong miracle snake dahil sa paniwala na nakapagpapagaling ng sakit ang kamandag nito.
Sa limang magkakapatid, si Jovy ang nagkainteres na manggamot gamit ang dupong. Ang alaga niyang ahas, umaabot na sa mahigit 100 piraso.
Ayon kay Jovy, kayang kumagat ng dalawa hanggang tatlong beses ang dupong kada araw kapag nanggagamot siya.
Paliwanag pa ni Jovy, kapag nakagat na ng ahas ang kaniyang "pasyente," inoobserbahan muna nila ito ng hanggang 30 minuto bago payagang umuwi.
"Titingnan kung ano ang reaksiyon niya, yung pakiramdam niya after the bite," saad ng manggagamot.
Apat na taon na raw ginagawa ni Jovy ang naturang paaraan ng panggagamot. Hanggang ngayon, wala pa naman daw nagrereklamo. Katunayan, ang mga bumabalik, nagsasama pa ng ibang magpapakagat sa ahas.
Isa si James Libasong sa mga naniniwala na nakapagpapagaling ang "miracle snake" kaya dinadala rin niya kay Jovy ang kaniyang mga anak.
Pero ano nga ba ang mayroon sa kamandag ng dupong para paniwalaan na nakagagaling ang tuklaw nito?
Ayon sa beterinaryo na si Dr. Mace Licuanan, ang mga kamandag ay mayroong iba't ibang klase ng protina at enzymes, na may mga pakinabang o gamit.
"But of course it should be quantify, it should be extracted in a way that it could be beneficial," giit niya.
Babala ni Licuanan, maaaring ikamatay ng tao ang kagat ng dupong dahil maaari itong magdulot ng pagkaparalisa o pagkalason ng dugo.
Kaya hindi niya inirerekomenda na magpakagat sa kahit anong uri ng ahas na may kamandag para ipagamot ang sakit.
Sa kabila nito, sinabi Jovy na tanging ang mga naniniwala lamang ang makatatanggap ng blessing mula sa "miracle snake." -- FRJ, GMA Integrated News