Ibinahagi ng aktres na si Maureen Larrazabal na dalawang taon siyang nabulag matapos masira ang kaniyang cornea nang makatulog na may suot na contact lenses.
Sa isang episode ng cooking-talkshow na "Lutong Bahay," sinabi ni Maureen na napapanood sa "Pepito Manaloto," na sumailalim siya corneal transplant para maibalik ang kaniyang paningin.
"Bulag ako, two years. Natulog ako nang may contact lens, tapos tumitigas 'yun 'di ba kapag hindi ka nag-drops. Na-slit open ko 'yung cornea, pinasukan ng Pseudomonas [bacteria], so pumasok siya sa mata," sabi ni Maureen sa mga host na sina Mikee Quintos at Kuya Dudut.
"Pagpasok sa mata ko, few hours lang, that bacteria will melt your eye in 24 hours, ganun siya katindi," dagdag niya.
Ayon pa kay Maureen, nasa Hong Kong siya noon nang mangyari ang insidente at kaagad siyang nagpunta sa ospital nang dumating sa Pilipinas.
"Pagdating dito, diretso ako ng Makati Med. Pag-open nila puro pus tapos wala na, wala na siyang itim," kuwento niya.
Sumailalim siya sa corneal transplant, na ginawa noong bahagi pa siya ng programang "Kool Ka Lang" ng GMA Network noong '90s.
"Kaya very grateful ako sa GMA, alam mo kung bakit? Kasi during that time hindi nila ako tinanggalan ng show. May pinagdaanan ako pero I have something to look forward to kasi every week pumapasok ako na naka-shades," dagdag niya.
Sa Instagram noong December 2023, ibinahagi ni Maureen ang tungkol sa kaniyang corneal donor, at kay Dr. Minguita Padilla, na nagsagawa ng transplant.
"Not all angels have wings, some have invisible halos, like the one who donated to me my cornea and to Dra Minguita Padilla the one responsible for my successful corneal transplant decades ago," saad niya sa caption.— FRJ, GMA Integrated News