May sagot ang 46-anyos na singer-comedienne na si Kakai Bautista, sa mga nagsasabi sa kaniya na tatanda na raw siyang dalaga.
“May mga tao na nagsasabi sa ‘yo, ah kaya 'yan ganyan tatanda na 'yang dalaga. Accept mo ba ito?” tanong ng “Your Honor” host na si Tuesday Vargas kay Kakai sa isang epidode programa.
“O ano pakialam niyo kung matandang dalaga ako?,” pabirong tugon ng aktres.
Iginiit ni Kakai na walang masama sa pagiging single kahit tumanda na.
“Usually sa culture natin ang laging sinasabi, ‘Malungkot ‘yan kasi single.’ Totoo ba? Gaganu’nin ko lang, ‘Sure ka malungkot ako?,’” saad niya.
“Ano ba masama sa single blessedness? Hindi masama ‘yon, kasi choice ‘yun eh. Ibig mong sabihin masamang tao ang mga madre kasi single blessedness ang pinili nila?” dagdag ni Kakai.
Ayon kay Kakai, may mga taong nananatiling single at masaya pa rin sa buhay.
“Sila rin, ganoon ang buhay nila. Single sila forever, pero ang karelasyon nila, si Lord,” paliwanag pa niya.
Sa naturang episode rin, nagbigay ng payo si Kakai Bautista sa mga single tungkol sa kanilang lovelife.
“Kasi nga guys, ang ikli ng buhay naman. Go lang nang go, pero huwag mong kalilimutang maging responsible and mahalin mo rin ang sarili mo,” anang komedyana.
“Nakalilimutan kasi natin eh. Go lang nang go, hindi ka naman responsable. O ‘di lahat ng nakapaligid sa ‘yo, pisti ka sa buhay nila, pabigat ka, salot ka,” pagpapatuloy niya.
“So dapat go nang go pero [be] responsible,” ayon pa kay Kakai. -- FRJ, GMA Integrated News