Ibinahagi ni Janna Dominguez na nang araw na isilang niya ang bunsong anak nila ni Mickey Ablan na si Leon, ay ang araw din na pumanaw naman ang kanilang panganay na anak na si Yzabel Ablan.

Nag-post sa Instagram si Janna ng larawan ng kaniyang baby na si Michael Zab Leon Ablan III, na isinilang noong Oktubre 7.

Nakasaad din sa caption ang pagpanaw naman ng 20-anyos na si Yzabel sa kapareho ring petsa.

BASAHIN: Iwa Moto, nagluluksa rin sa pagpanaw ni Yzabel Ablan na anak nina Janna at Mickey

Kinunan ang larawan ni Leon sa tabi ng burol ng kaniyang ate Yzabel.

Nauna nang inanunsyo ni IG post ni Janna na sa La Pieta Funeral Homes sa Angeles City, Pampanga gagawin ang burol ni Yzabel hanggang sa October 12.

Nitong Lunes, ipinaliwanag ni Janna na heart failure at lung infection ang dahilan ng pagkamatay ni Yzabel.

"Sa sobrang ayaw niya nakaka abala ng ibang tao hindi niya sinabi sa 'min mga nararamdaman niya," anang aktres na napapanood sa Pepito Manaloto.

"Nagpa-checkup siya the day before and doctor gave her meds na kaya iniisip namin OK na," patuloy niya.

Ayon kay Janna, biglaan ang mga pangyayari.

Sa isa pang post ni Janna, makikita ang larawan nang isilang niya si Leon.

Nakasaad sa caption na, "My brave Leon."

 

 

-- FRJ, GMA Integrated News