Inutusan ng Supreme Court (SC) ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na bayaran ang Lotto 6/42 bettor na nanalo ng P12 milyon matapos maka-jackpot kahit pa nasunog ng plantsa ang ticket nito noong 2013.
Sa 17-pahinang desisyon ng Second Division, ibinasura ng mga mahistrado ang petition for review on certiorari na inihain ng PCSO upang kontrahin ang naunang desisyon ng Court of Appeals na pumapabor din sa nanalong mananaya.
Sa desisyon ng CA, kinatigan nito ang naunang pasya ng Balayan Regional Trial Court na nag-utos din sa PCSO na bayaran ng P12.3 milyon ang mananaya matapos tumama ng jackpot sa naturang draw ng Lotto 6/42.
Nanalo ang naturang mananaya noong October 2013, pero nalukot ng kaniyang apo ang winning ticket.
Kinuha ng anak ng mananaya ang nasabing ticket at binalutan ng tela at saka pinalantsa para sana maalis ang lukot.
Pero bahagyang nasunog ang naturang ticket at hindi na makita ang ilang numero. Gayunman, makikita pa rin ang lotto outlet kung saan binili ang ticket, ang petsa, at maging ang oras nang binili ito.
Nang dalhin umano ng mananaya ang ticket sa PCSO, sinabihan siyang magsumite ng handwritten account ng pangyayari sa ticket.
Pero hindi ibinigay ng PCSO ang premyo dahil nasira na umano ang ticket at hindi na maba-validate.
Gayunman, iginiit ng korte na napatunayan naman na tinayaan ng mananaya ang tumamang mga numero.
“In this case, while it is the numbers in the ticket that would prove whether Mendoza indeed won the jackpot lotto prize, it is actually the existence of the ticket that is being assailed by the sweepstakes office,” saad sa desisyon.
“Whether the ticket bearing the numbers of the lotto indeed existed is an issue that does not require the application of the Best Evidence Rule,” dagdag nito.
Binigyang halaga naman ng SC ang testimonya ng mananaya at kaniyang pamilya tungkol sa mga pangyayari.
Hinihintay pa ang komento ng PCSO sa naging utos ng SC—FRJ, GMA Integrated News