Makaraang ang halos 15 taon, nayakap nang muli ni Mary Jane Veloso nitong Miyerkules ng umaga ang kaniyang pamilya nang dumating na siya sa Pilipinas at dinala sa Correctional Institution for Women (CIW) sa Mandaluyong City.
Ang dalawang anak na lalaki na may dalang bulaklak ang unang lumapit sa kanilang ina na si Veloso.
Kasunod nito ay nakasama na ng dating OFW ang iba pang miyembro ng pamilya, kasama ang kaniyang mga magulang na sina Cesar at Celia.
Umaga kanina nang lumapag sa Ninoy Aquino International Airport ang commercial flight na pinagsakyan kay Veloso, kasama ang ilang opisyal ng Pilipinas, kabilang si Foreign Affairs undersecretary Eduardo de Vega.
Unang nahatulan ng korte sa Indonesia ng parusang kamatayan si Veloso makaraang madakip noong 2010 dahil sa bitbit niyang ilegal na droga.
Sa pakiusap ng pamahalaan ng Pilipinas, ipinagpaliban ang pagbitay kay Veloso hanggang sa nabuo ang kasunduan na ilipat na siya sa pamamahala ng Pilipinas.
Sa CIW, limang araw na isasailalim sa quarantine si Veloso, at 55 araw na orientation at security evaluation bago siya ililipat sa regular na selda upang ipagpatuloy ang kaniyang sentensiyang pagkakakulong.
Gayunman, umaapela ang pamilya ni Veloso kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na bigyan siya clemency upang makalaya na. Dati nang sinabi ng mga opisyal ng Indonesia na igagalang nila ang anumang magiging pasya ng Pilipinas tungkol kay Veloso.
Bago umalis ng Indonesia, inihayag ni Veloso na umaasa siyang mabibigyan siya ng clemency.
“Gusto ko na makalaya ako… Clemency... mapawalang sala. Kasi wala akong kasalanan,” pahayag niya.
Wala pang pahayag ang Malacanang sa kung ano ang susunod na mangyayari kay Veloso sa sandaling madetine na sa bansa.
“Nothing to say yet on what may happen. The priority of PBBM is to have Veloso repatriated without delay,” ani Executive Secretary Lucas Bersamin.
Naging mahigpit ang seguridad sa pagbabalik kay Veloso sa bansa, na kaagad dinala sa CIW matapos dumating sa paliparan.—FRJ, GMA Integrated News