Nagsumite na si Rita Daniela ng kaniyang tugon sa counter-affidavit na inihain ni Archie Alemania kaugnay sa reklamong act of lasciviousness na isinampa ng aktres laan sa aktor.

Sa ulat ni Aubrey Carampel sa GTV "Balitanghali" nitong Miyerkoles, sinabing isinumite ni Rita ang kaniyang reply-affidavit sa Bacoor Hall of Justice sa Cavite nitong Martes, December 17.

Ayon sa kampo ni Rita, ilan sa mga bahagi ng counter-affidavit ni Archie ay mistulang pagkumpirma sa inihaing reklamo ng aktres.

Sa nakaraang pahayag, sinabi ng abogado ni Rita na si Atty. Maggie Abraham-Garduque, na may mga "material admissions" sa counter-affidavit ng aktor na maaaring maging basehan upang ituloy sa korte ang kasong acts of lasciviousness.

Wala naman ang aktor at kaniyang abogado sa piskalya nitong Martes, pero mayroon silang kinatawan na tumanggap ng kopya sa sagot ni Rita sa kanilang counter-affidavit.

Sinabing dahan-dahan nang nakaka-recover si Rita sa nangyari pero hindi pa rin nais ng kaniyang kampo na magkita ang dalawa.

"Because what happened was very traumatic for me and honestly po, I really don't know how will I feel if I see him again," ani Rita.

Nag-ugat ang reklamo ni Rita dahil sa paghalik at paghawak sa kaniya ni Archie nang wala siyang pahintulot.

Nangyari umano ang insidente sa sasakyan ng aktor matapos alukin nito si Rita na ihahatid sa bahay matapos silang dumalo sa isang Thanksgiving party noong Setyembre.— FRJ, GMA Integrated News