Naglabas na ng pahayag at itinanggi ng Colegio San Agustin na may bullying na nagaganap sa kanilang paaralan, na taliwas sa sinasabi ni Yasmien Kurdi, na naranasan umano ng kaniyang anak.
Sa pahayag ng CSA na pirmado ni Atty. Joseph Noel M. Estrada at Willard T. Yung, nakasaad na, "the incident among students [has] been blown out in the public."
"At the outset, there appears to be no bullying that happened on December 10, 2024," nakasaad sa bahagi ng pahayag na naka-post sa Facebook. Dagdag nito, "the school immediately addressed the matter among the students and parents involved."
Inihayag din nila na tinugunan ng paaralan ang sitwasyon na "with caution circumspect and confidentially."
Hinikayat din nila ang aktres na makipagtulungan sa kanila.
"We also caution Mrs. Soldevilla to refrain from sharing information about the minor students as this tends to put them in a bad light, embarrassment, and even ridicule not only in CSA but in the eyes of the public," dagdag nito.
Sinabi pa ng mga abogado na ang alegasyon ni Yasmien na inilabas sa publiko, "may have unintended consequences on the students." Binigyan-diin nila na may mga menor de edad na sangkot sa usapin, at paaralan na kailangang igalang.
"CSA supports raising awareness on bullying, but also mindful that the drawing or seeking unnecessary public attention does not help at all in the formation and correction of students and in eventually resolving their conflicts," giit nila sa pahayag.
"The undue branding of bullying of these interactions might result in disruptions in students' learning and growth," sabi pa sa pahayag.
Kamakailan lang, sinabi ni Yasmien na pinagkaisahan at pinuntirya umano ng ilang mag-aaral ang anak niyang si Ayesha dahil sa hindi nito pag-reply sa mga mensahe tungkol sa school Christmas party habang nasa bakasyon sila.
Hinarang din umano ng mga estudyante ang kaniyang anak na makalabas ng classroom at hindi pinayagang makakain sa kanilang class breaks.
Isang estudyante rin umano ang kumuha ng video ni Ayesha nang walang pahintulot ng anak na naging dahilan ng "paranoia and anxiety" ang dalagita.
Sa Instagram, ibinahagi rin ng aktres ang larawan ni Ayesha na ginupit-gupit.
Nakatakdang makipagpulong si Yasmien kay Department of Education Secretary Sonny Angara sa Huwebes, “to discuss potential solutions and strategies” tungkol sa umano'y bullying sa paaralan.—FRJ, GMA Integrated News