Matapos ang mahigit isang dekada, sa Pilipinas na muling magpapasko ang dating death row convict sa Indonesia at overseas Filipino worker na si Mary Jane Veloso. Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), darating na siya sa bansa sa Disyembre 18, Miyerkules, at dito na idedetine.

Nitong Lunes, sinabi ni DFA Undersecretary Tess Lazaro, na inaasahan na darating si Veloso sa Manila mula sa Jakarta, Indonesia dakong 6 a.m.

Nahatulan ng kamatayan sa Indonesia si Veloso, 39-anyos, dahil sa kasong drug trafficking nang mahulihan siya ng 2.6 kilos ng heroin sa airport doon.

Iginiit ni Veloso na ipinadala lang sa kaniya ang bagahe, at kinalaunan ay nahuli sa Pilipinas ang mga nagpadala sa kaniya sa Indonesia, at kinasuhan ng human trafficking.

Taong 2015, binigyan ng nakaupo noong pangulo ng Indonesia na si Joko Widodo ng "temporary reprieve” si Veloso kaya hindi natuloy ang nakatakdang pagbitay sa kaniya.

Nitong nakaraang Enero, nagpadala ng sulat ang pamilya ni Veloso kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at Widodo, upang hilingin na bigyan ng clemency ang OFW.

Nitong nakaraang Nobyembre, sinabi ni Marcos na nagkaroon ng kasunduan ang Manila at Jakarta na ilipat sa Pilipinas ang pangangalaga kay Veloso, at pinasalamatan ang bagong pangulo ng Indonesia na si Prabowo Subianto at ang pamahalaan nito.

Nakatakda pa sanang magpunta ang pamilya ni Veloso sa Indonesia ngayong linggo pero hindi na natuloy matapos na malaman ang nakatakda nang pag-uwi ng OFW.

Ayon sa Malacañang, ang pag-uwi ni Veloso sa Pilipinas ay bunga ng “more than a decade of persistent discussions, consultations and diplomacy.”  

“Duty-bound as we are to honor the conditions for her transfer to the Philippine jurisdiction, we are truly elated to welcome Mary Jane back to her homeland and family, from whom she has been distracted for too long,” pahayag ni Executive Secretary Lucas Bersamin.

Una nang sinai ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Catapang Jr. na posibleng sa Correctional Institution for Women (CIW) sa Mandaluyong City dalhin si Veloso pagdating sa bansa.

Sa nakaraang pahayag, sinabi ni Yusril Ihza Mahendra, Indonesia's senior minister for law and human rights affairs, na igagalang ng Jakarta ang ano mang magiging desisyon ng Pilipinas kapag nakauwi ni Veloso, kabilang na rito ang pagkakaloob sa kaniya kung sakali ng clemency ni Marcos.—FRJ, GMA Integrated News