Kinaaliwan online ang isang “kiss the bride” moment sa kasal matapos pumasok ang groom sa belo ng bride, na ikinagulat ng pari.

Sa ulat ni Mark Salazar sa State of the Nation, mapapanood ang video ng pronouncement nina Dhelo at Vevs bilang mag-asawa.

Ngunit nang hahalikan na ng groom ang bride, sa halip na itaas ang belo, pumasok ang groom sa loob ng belo.

“Ay mali! Bakit ka pumunta sa kulambo? Mamayang gabi pa ‘yon!” hirit ni Father.
Todo explain naman si Dhelo.

Sa isang Katolikong kasal, iaangat dapat ng groom ang belo o blusher veil ng bride.

Simbolo ito ng pagbubukas ng babae ng kaniyang sarili sa pangangalaga at proteksyon ng magiging asawa.

Ipinaulit ni Father ang symbolic moment, at sa pagkakataong ito, na-perfect na ang pag-kiss sa bride. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News