Sa episode ng "Fast Talk With Boy Abunda" nitong Huwebes, tinanong si Yassi Pressman kung nais niyang magkomento hinggil sa relasyon nina James Ried at kaniyang kapatid na si Issa Pressman.

Inihayag ito ni Tito Boy dahil na rin sa naging reaksyon ng netizens tungkol sa dalawa.

Sa naturang panayam, inihayag ni Yassi ang pagsuporta niya sa kaniyang kapatid.

"I think nasabi na po nila lahat ng kailangan nilang sabihin," saad ng aktres na bida sa pelikulang "Video City" kasama si Ruru Madrid.

Ayon pa kay Yassi, natutuwa siya na nakapagsasalita na ang kaniyang kapatid matapos maoperahan.

"It's her first time to come out and makapagsalita po in months galing po sa isang napakalalang operasyon," sabi ni Yassi tungkol kay Issa.

"I'm just glad that she's even able to talk now so kung saan po siya masaya, dun po ako," dagdag niya.

Iniuugnay noon si Issa na third-party sa paghihiwalay nina James at Nadine Lustre, bagay na itinanggi naman ng aktor.

Sa segment na Fast Talk, binigyan ni Yassi na rating na "10" ang kaniyang sarili bilang isang kapatid.

Samantala, kung sasabak sa road trip, sinabi ni Yassi na isasama niya ang kaniyang kapatid.

Maging sa time travel, ang kapatid pa rin niya ang kaniyang isasama para makita nilang muli ang kanilang ama.

Bukod sa pelikulang "Video City," mapapasabak din sa action series si Yassi kasama pa rin si Ruru para sa upcoming GMA Public Affairs action series na "Black Rider."—FRJ, GMA Integrated News