Makaraang ihayag ni Michael V na "possibilities" ang naiisip niya kapag kasama si Vice Ganda, sinabi naman ngayon ng Unkabogable Star kung ano ang mga posibleng gawing nila ng Kapuso Comedy Genius.
Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, sinabi ni Vice na puwede silang gumawa ng pelikula ni Michael V o Bitoy na pang-film fest.
Inamin din ni Vice na dream niyang mag-"Bubble Gang," ang gag show na kinabibilangan ni Bitoy.
"Dream ko kasing mag-Bubble Gang. Nag-aantay din lang ako ng imbitasyon at saka kung anong gagawin," ayon sa "It's Showtime" host.
Bukod sa paggawa ng pelikula at guesting sa "Bubble Gang," sinabi rin ni Vice na puwede rin silang gumawa ng kanta ni Bitoy.
"Napakaraming posibilities, puwede kaming gumawa ng kanta together di ba?," sabi pa ni Vice.
Kamakailan lang, muling nagkasama sina Bitoy at Vice nang mag-guest ang Kapuso actor sa It's Showtime.
Sa kanilang Instagram post, sinabi ni Bitoy na, "Recently, tuwing nagko-cross ang paths namin ni Vice Ganda, isa lang ang laging pumapasok sa isip ko… 'possibilities.'"
May tanong din ang Kapuso star sa kaniyang mga followers: "In a time na parang 'puwede na', ano sa tingin n’yo ang posibleng mangyari?"
Ang kaibigan ni Bitoy at co-host ng It's Showtime na si Ogie Alcasid, nagkomento sa naturang post na may kasamang high five emojis at sinabing: "eto na yun pre."
Maging ang leading lady ni Bitoy sa movie na "Family Story" na si Dawn Zulueta, nagkomento rin at sinabing: "Do it." -- FRJ, GMA Integrated News