Inamin ng action star na si Jeric Raval na hindi niya kayang panoorin ang intimate scenes ng kaniyang anak na si AJ Raval.
sa episode ng “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Miyerkules, ikinuwento ni Jeric ang nangyari nang manood siya ng isang pelikula ni AJ matapos siyang imbitahan.
Pero nang ipakikita na ang love scenes ng kaniyang anak, lumabas na umano si Jeric.
“Ganun pala yón. Hindi ko kayang panoorin,” lahad ng aktor.
“Lumabas ako. Sabi ko na lang nag-ring yung phone ko. Pero ang totoo no'n, hindi ko pa kayang panoorin,” patuloy ni Jeric. “Alam naman nating kunwari lang 'yon — hindi ko kayang panoorin.”
Ayon kay Jeric, hindi siya sang-ayon na magpa-sexy si AJ.
“Nagulat na lang ako, artista na siya sa Viva,” ani Jeric. “Tinatago niya sa 'kin yung mga pelikulang ginagawa niya kasi alam niya hindi ko siya sinusuportahan sa mga ganung projects.”
“Kaya lang, nandyan na, wala na akong magawa, sige, anyway, 21 ka na eh,” patuloy ng aktor.
Isa si AJ sa 18 anak ni Jeric.— FRJ, GMA Integrated News