Inihayag ng action star na si Jeric Raval na walang problema sa kaniya na pakasalan ni Aljur Abrenica ang anak niyang AJ pero mayroon siyang ibinilin sa aktor.
Sa episode ng "Fast Talk With Boy Abunda" nitong Miyerkules, ikinuwento ni Jeric ang naging pag-uusap nila noon ni Aljur nang nagsisimula pa lang ang relasyon nito kay AJ.
Ayon kay Jeric, tinanong niya si Aljur kung hiwalay na ito sa dati niyang asawa na si Kylie Padilla.
"Sabi ko, 'I-ayos mo muna 'yung sarili mo iho, wala naman akong problema sa inyo kasi buhay n'yo 'yan eh.' Pagdating dun sa buhay pag-ibig nung anak ko hindi ko na saklaw 'yun eh," paliwanag ni Jeric.
"Basta 'pag ayos ka na, wala ka nang problema, pakasalan mo 'yung anak ko," bilin umano ni Jeric kay Aljur.
Ipinaalala rin umano ni Jeric kay Aljur na bata pa ang anak niyang si AJ. Napag-usapan din nila si Robin Padilla, na kaibigan ni Jeric, at ama ni Kylie.
"'Yung biyenan mo kaibigan ko eh. Ano kayang sasabihin ko sa biyenan mo pag nagkita kami? Baka sabihin kinukunsinti ko kayo," sabi pa ni Jeric.
Si Robin ang nagkumpirma noong 2021 na hiwalay na ang kaniyang anak na si Kylie at si Aljur.
Matapos ng kumpirmasyon ng kanilang hiwalayan, inamin ni Aljur na nagtaksil siya kay Kylie. Pero itinanggi ni AJ na naging third-party siya sa relasyon ng mag-asawa.
Nitong nakaraang Pebrero, isinapubliko na nina AJ at Aljur ang kanilang relasyon.—FRJ, GMA Integrated News