Inihayag ng sikat na vlogger na si Rosmar, o Rosemarie Pamulaklakin, kung bakit siya tumutulong sa iba, at kung bakit niya ito ipino-post sa kaniyang vlog.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing namimigay ng pera, motorsiklo, smartphone at pati na kotse si Rosmar.
Isa raw sa mga pinakapatok na pakulo niya sa pamimigay ng tulong ay ang tinatawag niyang "Lucky Caller." Dito, namimigay si Rosmar ng P50,000 at motorsiklo sa mauunang makakatawag sa kaniya habang nagla-live.
Ayon kay Rosmar, taong 2014 pa niya sinimulan ang kaniyang charity vlog o pagtulong.
"Kapag tumulong tayo nang hindi naghahanap ng kapalit grabe po ang balik," saad niya. "Hindi ko po ini-expect na magkakaroon kami ng sariling bahay, sariling sasakyan, sariling property. Kasi dati po nakatira lang kami sa likuran ng pet shop ng asawa ko."
At ang simpleng paliwanag ni Rosmar sa ginagawa niyang pagtulong; "Ang pinakahugot ko po kung bakit ako tumutulong sa mga tao ay 'it's better to give than to recieve.' Kasi alam ko yung pakiramdam ng wala."
Pero sa kabila ng mga pagtulong ng ilang vlogger, may ilan na pumupuna at naniniwala na ginagawa lang nila ang pagtulong para magkaroon ng content sa kanilang vlog.
Ayon kay Rosmar, kaya niya ipino-post ang kaniyang pagtulong ay para maka-inspire ng ibang tao na tumulong rin iba.
"Kasi nakakahawa po talaga 'yon [tumulong]," ani Rosmar.
Bukod kay Rosmar, may iba pang vlogger na nagkakaloob din ng tulong pinansiyal sa iba. Gaya ni Jericca Deogracias na may pa-"Hakot Challenge," at si Denmark Solar, na mayroong namang "Hulog Bola Challenge."
Panoorin sa video ng "KMJS" ang buong kuwento.-- FRJ, GMA Integrated News