Sa episode ng "Dapat Alam Mo!" nitong Miyerkoles, sumalang sa lie detector test si Pokwang at sinagot ang mga maiinit na tanong tungkol sa pag-ibig. Kabilang dito na kung may nararamdaman pa rin ba siya para sa kaniyang dating partner na si Lee O’Brian?
Unang itinanong ng hosts na sina Kuya Kim Atienza at Susan Enriquez na kung naka-move on na ba si Pokwang sa kaniyang pinakahuling heartbreak.
“I’m not gonna lie Kuya Kim and Madam Susan, 'no',” tugon ng Kapuso comedian.
“Truth” ang lumabas sa lie detector test, na kinumpirmang totoo ang nararamdaman ni Pokwang.
“Hindi ganoon kadali. ‘Pag wala na siya sa Pilipinas, ‘yan ang super move on ko na talaga. Sa ngayon hindi pa. Ayokong i-share ang hangin ng Pilipinas sa kaniya, hindi niya deserve,” natatawa niyang sabi.
Ayon kay Pokwang, parehong sakit at galit pa rin ang kaniyang nararamdaman matapos ang naging hiwalayan nila ni Lee.
“Both. Kasi alam mo ‘yung, ang dami mong ibinigay na chance eh to visit the child, pero wala,” saad niya.
Pinatotohanan niya rin ang mga nauna niyang pahayag na may kinalaman din sa pera ang kanilang hiwalayan.
Taliwas na ang naging sagot ni Pokwang kumpara sa isa niyang interview noong nakaraan na mahal pa niya si Lee.
“Tatanungin ko ulit. Mahal mo pa ba ang iyong ex partner na si Lee? Yes or no?” tanong ni Kuya Kim.
“I’m not gonna lie Kuya Kim and madam Susan, 'no',” diretsong sagot ni Pokwang, na kinumpirma rin ng lie detector bilang “truth.”
Ayon kay Pokwang, huli na kung sakaling bumalik man sa kaniya si Lee.
“It’s too late. Sabi nga ni Justin Bieber. May yaya naman si Malia. Bakit ngayon lang, ‘di ba?,” anang aktres, na sinabing wala na rin siyang pakialam sa love life ng Lee na napaulat na may bago nang nobya.
“I don’t care. Gusto kong magpayaman para sa anak ko. Period,” deklara niya.
Matatandaang naghain ng deportation case si Pokwang laban kay Lee noong Hunyo.
Batay sa alegasyon ng abogado ni Pokwang na si Rafael Vincente Calinisan ng Calinisan Domino And Beron Law Offices, wala umanong working permit sa Pilipinas si Lee.
Naghain na ng counter affidavit si Lee.
--FRJ, GMA Integrated News