Inihayag ni Ryan Bang na permanente na ang kaniyang paninirahan sa Pilipinas, at nais niyang makatulong sa mga Pilipino na umasenso.
“Nagdesisyon ka na talaga na dito ka na sa Pilipinas?” tanong ni Tito Boy Abunda kay Ryan sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Martes.
“Yes Tito Boy, dito ako lumaki eh, dito ako mamamatay,” diretsong sagot ni Ryan.
“Yes Tito Boy, habambuhay ako dito,” pagpapatuloy niya.
Sa segment na "Fast Talk," tinanong din si Ryan ng "Pilipinas o Korea?"
'Pilipinas!' ang malakas na isinagot ni Ryan.
Inilahad ni Ryan ang kaniyang rason kung bakit gusto niyang maging permanente na sa bansa.
“Kasi mahal na mahal ko ang Pilipinas. ‘Yung ugali ko, Pilipinas, tsaka gusto kong bumaha ‘yung pagmamahal nila sa akin,” saad niya.
Bukod dito, hiling din ni Ryan na makatulong pa sa mga Pilipino.
“Gusto ko, nagpe-pray ako gabi-gabi kay Lord, kay Jesus Christ na ‘Lord gamitin niyo po ako, dati kasi gusto kong magpasaya ng mga Pilipino. Ngayon gusto ko maraming maraming Pilipino ‘yumaman dahil sa akin,” anang “It’s Showtime” host.
Ayon kay Ryan, isa sa kaniyang mga naiisip ang pagbibigay ng trabaho.
“Hindi lang trabaho, gusto ko kapag may chance, basta marami ang yumaman dahil sa akin, ‘yun ‘yung pine-pray ko kay Lord. Lahat ng Pilipino. Kasi ‘yung binibigay nilang pagmamahal sa akin, ‘yun ang ipambabawi ko sa mga kababayan nating mga Pilipino,” ayon sa Korean.
Binalikan din ni Tito Boy Abunda ang ginawang pagtulong noon ni Ryan sa kapwa niya Koreano na nagtitinda ng ramen.
Ayon kay Ryan, nagdesisyon ang kaniyang kababayan na hindi na lumipad sa Korea.
“Ang buhay niya ay choice niya ‘yun. Binigyan ko ng chance, hindi ko puwedeng pilitin ‘yung ‘Dapat ito ang gawin mo.’ I’ll give all the chance pero choice nila ‘yun,” paliwanag niya. --FRJ, GMA Integrated News