Lumuluhang humingi ng paumanhin ang isang ama sa kaniyang dalagang anak dahil sa hirap ng kaniyang kalagayan, hindi niya magawang makabili ng regalo para sa graduation ng kaniyang bunso. Pero sa tulong ng “Good News,” ang anak naman ang iiyak sa sorpresa ni tatay.
Sa isang episode ng programang “Good News,” ipinakita ang video ni Mang Reynaldo Benitez na lumuluha habang humihingi ng paumanhin sa anak niyang si Angela.
“Alam mo, nahihiya ako sa ‘yo. Hiyang-hiya na ako sa ‘yo. Hindi ko alam kung anong gagawin kong pagsu-surprise sa ‘yo eh,” sabi ni Tatay Reynaldo.
“Pasensya na wala akong mairegalo sa ‘yo. Sorry, pasensyahan mo na. Naintindihan mo naman ‘yon, bunso kita,” dagdag pa niya.
Pangarap ng 21-anyos na si Angela na makapagtapos ng pag-aaral dahil gusto niyang maging proud sa kaniya at matulungan ang kaniyang mga magulang.
Dahil hirap ang kaniyang pamilya na matustusan ang kaniyang pag-aaral, nagpursiging maging working student si Angela. Gayunman, naging hamon sa kaniya ang pagsabayin ang pag-aaral at pagiging sales lady sa isang RTW shop sa loob ng mall sa Divisoria.
Labis naman ang pasasalamat ni Angela sa kaniyang mga amo na sina Apollo at Myrna Rocafort, na pinayagan siyang mag-aral habang nagtitinda.
Nagsilbi rin inspirasyon ni Angela ang amo niyang si Myrna na working student din pala noon.
Matapos ang halos tatlong taon na pagtatrabaho ni Angela sa kaniyang mga amo, natupad na niya ang pangarap na makatapos ng pag-aaral.
Sa kabila ng saya ni Tatay Reynaldo sa naabot na tagumpay ni Angela, humingi siya ng paumanhin sa anak dahil hindi niya lubos na magampanan ang tungkulin bilang ama.
Hindi kasi makapagtabaho si Tatay Reynaldo dahil sa iniinda niyang sakit sa puso. Kaya naman hindi rin siya makabili ng regalo para sa graduation ng anak.
“Mahirap talaga dahil [kahit] gusto ko, ako naman, wala akong magawa. Umiiyak ako na hindi ko masabi na, ‘Sorry, pasensya na kasi hindi makapagtrabaho ang papa, mahina.’ Lalo kapag mainit, hindi ako makapagtrabaho, hindi ako makapag-ipon,” sabi ni Reynaldo.
Bilang isang mabuting anak, nauunawaan naman ni Angela ang kalagayan ng kaniyang ama.
“Okay lang ‘yan. Sapat naman ‘yung mga sakripisyong ginawa niya po sa amin noong bata kami. Kaya talagang lahat po ng mga sakripisyong ‘yon, papalitan ko lahat ‘yon,” mensahe naman ni Angela sa ama.
Ngunit sa tulong ng “Good News,” magagawa na ni Tatay Reynaldo na sorpresahin ang anak niyang si Angela.
Tunghayan sa video ang nakaaantig na tagpo ng mag-ama nang matupad ni Tatay Reynaldo ang pangarap niyang masorpresa ang masipag at mapagmahal niyang bunsong anak. Huwag na huwag itong palalampasin. Panoorin. --FRJ, GMA Integrated News