Ibinahagi ni Isko Moreno ang naging payo niya sa mga kapuwa niya co-host sa "Eat Bulaga" ilang minuto bago magsimula ang programa noong Sabado, July 1, 2023.
Sa naturang araw, sabay-sabay na napanood sa magkakaibang channel ang tatlong noontime show, kasama ang kanilang "Eat Bulaga."
Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Lunes, sinabi ni Isko na ilang minuto bago ang live airing ng programa, magkakasama ang mga host sa isang kuwarto.
"Nasa isang room kami, and I told them, 'Guys, I've seen so many failures in life, I've seen success, I've seen challenges, but one good thing about today, we're gonna be part of history,'" sambit umano ni Isko sa kaniyang mga kasama.
"'Let's enjoy this afternoon because at the end of the day, tao ang mananalo dito'," dagdag niya.
Noong Sabado, nagsimula nang mapanood sa GTV ang "It's Showtime," ipinalabas naman ang bagong show ng TVJ sa TV5.
Ayon kay Isko, ang mga manonood ang higit na makikinabang ngayong marami nang programa na mapapanood sa tanghalian.
“Ngayon, ang noontime show, buffet na, marami ng choices ang ating mga kababayan,” paliwanag niya.
Sinabi rin ng dating alkalde na, "Nothing to prove. Just be the best you can be."
Inihayag di ni Isko na "understandable" kung lumabas na mas mataas ang rating ng ibang show noong Sabado kumpara sa kanila.
"That's understandable because there's so much hype and drama that happened in the past weeks and days," saad niya.
“Kami naman, basta tayo, focus tayo, ang gawin nating ‘Eat Bulaga’ ngayon, hindi na tungkol sa mga host, tungkol na sa mga viewers, maging viewers-centric tayong show, ilapit natin yung ‘Eat Bulaga’ sa kanila,” ayon kay Isko.
Sinabi rin ng dating alkalde ng Maynila na makatutulong sa mga artista ang healthy competition upang pagandahin ang mga programa.
“If there will be [a] buffet, lalabas lahat ng galing ng mga artista, kasi may kompitensya,” ani Isko na host sa segment na G sa Gedli, kasama si Buboy Villar.
Sa naturang segment, nagbibigay ng tulong sina Isko at Buboy sa mga taong nakikita nila sa lansangan o labas ng bahay.
“Kumbaga ang point ko, let’s not create hate and expect somebody to fail for you to go up [na] para tumaas ka, aapakan mo yung likod ng may likod, o paa ng may paa,” patuloy niya. — FRJ, GMA Integrated News