Inihayag ni Paolo Contis na hindi apektado sa mga natatanggap na pamba-bash sa kaniya. Pero may tip din siya sa mga basher na magpapabilib sa kaniya.

Sa nakaraang episode ng "The Boobay and Tekla Show," sinabi ng "Eat Bulaga" host na hindi siya galit sa kaniyang mga basher.

"Kung trip niyo 'yan, kung 'yan ang nagpapasaya sa inyo araw-araw, naawa ako sa inyo," ayon sa aktor.

"Kasi masyado na kayong nasanay na nagsasabi ng masama na hindi kayo nasasapok sa mukha," patuloy niya.

Pero para bumilib siya sa basher, sinabi ni Paolo na dapat sabihin sa kaniya nang harapan kung ano man ang masasamang mensahe ng basher.

"Ang tip ko sa inyo, kapag nakita niyo ko nang personal, try niyong sabihin sa mukha ko 'yon. Kung kaya niyo, bilib ako sa inyo," patuloy niya.

Ayon pa sa aktor, hindi siya naapektuhan ng pamba-bash dahil hindi naman siya kilala ng basher, at hindi niya rin kilala ang basher.

"Una sa lahat, hindi niyo ko kilala, 'di ko kayo kilala so zero. Para sa akin zero, 'wag lang ibang tao ang tinitira niyo," ani Paolo.

Pero kapag kaibigan daw niya ang nagbigay ng kritisismo, aminado siyang dinadamdam niya iyon at "ipinapasok ko sa puso't isipan ko para maging ok ako."

Sa "TBATS," pinabasa kay Paolo ang ilang banat ng bashers sa kaniya. Ano kaya ang reaksyon ng aktor? Panoorin ang video. --FRJ, GMA Integrated News