Hindi na lang sa cyber space tila gustong dalhin ng mga bilyonaryo at tech giants na sina Elon Musk at Mark Zuckerberg ang kanilang kompetisyon. Nais din nilang magsukatan ng lakas sa pamamagitan ng cage fight gaya ng mga MMA fighter.

Nangyari ang hamunan sa pamamagitan ng kani-kanilang posts sa pagmamay-ari nilang social media platforms: Twitter kay Musk at Instagram kay Zuckerberg.

Ayon sa ulat ng Reuters, unang nagpahaging ang Tesla CEO na si Musk sa pamamagitan ng tweet na sinabi niyang handa siya sa "cage fight" laban kay Zuckerberg.

Hindi naman ito pinalampas ng Meta CEO na si Zuckerberg na nag-post ng screenshot ng tweet ni Musk sa Instagram stories na nilagyan niya ng caption na: "send me location".

Nag-tweet muli si Musk ng: "Vegas Octagon."

 

 

Sa Octagon ginagawa ang Ultimate Fighting Championship (UFC) competitions sa Las Vegas, Nevada.

Biro pa ni Musk sa tweet:"I have this great move that I call 'The Walrus', where I just lie on top of my opponent & do nothing."

Sinabi naman ng tagapagsalita ng Meta sa technology news website na The Verge, na hindi nagbibiro si Zuckerberg sa post nito at inihayag na “story speaks for itself."

Sa kaniyang Instagram account, makikita ang pagsasanay ni Zuckerberg ng martial arts na jiu jitsu. — Reuters/FRJ, GMA Integrated News