Magkahalong emosyon ang naramdaman ng mga host ng “It’s Showtime” matapos silang magkaroon ng bagong tahanan sa GTV ng Kapuso Network. Si Vice Ganda, aminadong napalitan ng tuwa ang naramdaman nilang lungkot nang malaman ang magandang balita.

Sa kanilang mga social media, ibinahagi nina Vice at iba pang host ng noontime show ng ABS-CBN ang kanilang mga reaksyon sa nangyari.

“Alam kong nagulat kayo. Naguguluhan. Natatakot. Nalulungkot. Naiiyak. Haaaaay! Hingang malalim. May kaguluhan at kabilisan ang mga ganap,” mensahe ni Vice sa Madlang People.

Gayunman, sinabi ng host na magiging maayos din ang lahat lalo’t marami nang pinagdaanang mga pagsubok ang kanilang programa.

“Sa dami ng mga pinagdaanan natin, kering keri na natin 'to. Naranasan na natin ang ma-torture, mabugbog, ilibing nang buhay. Ngayon pa ba! Tapik na lang to!”

Sa kabila ng walang kasiguruhan, pinasalamatan ni Vice ang pagtangkilik at pagmamahal sa kanila ng viewers, na siyang bumuhay sa bawat paghihingalong naranasan nila noon.

“Ang puso ng Madlang People ang TOTOONG TAHANAN natin. Kaya tuloy lang. Patuloy tayong magpasaya at magbigay ng pag-asa,” sabi ni Vice.

“Itutuloy natin ang saya. Dito at doon. Damhin mo ang mahigpit kong yakap. Mahal na mahal kita!” pagpapatuloy niya.

 

 

“Noong ibinalita sa amin ‘yan, siyempre emosyonal kaming lahat kasi nasa kalagitnaan kami ng lungkot, ‘di ba ‘yung parang nawalan ka ng tirahan tapos biglang may kukupkop na naman sa iyo. We feel so special, we are very grateful to GTV,” sabi naman ni Vice sa isang panayam sa kaniya sa Star Bites ng Balitanghali.

Si Anne  Curtis naman, handa na sa bagong yugto ng programa.

“At sa mga Solid Showtimers, Madlang People at mga Kapuso, G na G na? See ya on July 1 sa GTV,” saad ni Anne sa kaniyang Tweet.

 

 

Para rin kay Teddy Corpuz, tila isa itong bagong pinto na magbubukas para sa kanilang programa.

“Sabi nga ng kanta ‘ang buhay ay gulong umiikot lang.’ May nag sarang pinto pero may magbubukas na bagong pintuan. San man kami dalhin, alam namin kasama namin si Lord at ang madlang people! Solid!” sabi ni Teddy.

 

 

“G na G” na rin sina Vhong Navarro, Jhong Hilario, Ryan Bang, Jugs Jugueta, and Ogie Alcasid.

Kabilang ding hosts sina Karylle, Amy Perez, Kim Chiu, Ion Perez, Jackie Gonzaga, MC, Lassy, at Cianne Dominguez.

“We are also very grateful to GMA’s GTV Channel and happy to announce that ‘It’s Showtime’ has found another home,” ayon sa ABS-CBN.

Una rito, nag-post din ang GTV at pati na si Vice ng poster tungkol sa magiging bagong tahanan ng “It’s Showtime.”-- FRJ, GMA Integrated News