Iginiit ng TAPE Inc. na sila ang may karapatan sa pangalang "Eat Bulaga," at ihahabla nila ang sino mang ibang gagamit ng naturang pangalan.
“As far as the company is concerned, legally, we own the trademark, we own the show, we own the name,” sabi ni Dapitan City mayor Bullet Jalosjos sa panayam ni Nelson Canlas na ipinalabas sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes.
Si Bullet ang nagsisilbing spokesperson ng Jalosjos family, at tumatayong Chief Finance Officer ng TAPE Inc, ang producer ng "Eat Bulaga."
Kamakailan lang, kumalas sa TAPE ang mga host ng show sa pangunguna nina Tito Sotto, Vic Sotto, at Joey de Leon.
Sinalungat ni Bullet ang naunang pahayag ni Tito na pag-aari nila nina Vic at Joey, ang pangalang "Eat Bulaga."
“Yun po yung sinabi sa akin kagabi ni dad [Romeo Jalosjos], contrary to everything, sinabi niya, 'I approved everything. Binigyan nila ako ng listahan niyan. There were different names they thought of' but my dad chose 'Eat Bulaga'," paliwanag ni Bullet.
Iginiit ni Bullet ang karapatan nila sa naturang pangalan ng show.
"Hindi po naman namin puwedeng bitawan din 'yun. Hindi po namin puwedeng sabihin, out of respect, 'sige gamitin niyo na lang.' Hindi eh, meron po kaming rights eh,” pahayag niya.
Sinabi rin ni Bullet na nasaktan ang kaniyang pamilya sa pagkalas ng TVJ sa kanilang kompanya.
"Nasaktan kami because talagang itinuloy nila, and ang pangit pa doon, when it happened, pinapalabas nila that we kicked them out," sabi ng alkalde.
Ipinaliwanag ni Bullet na nagpasya sila na huwag nang mag-live ng Eat Bulaga noong Mayo 31, ang araw na inanunsyo ng TVJ ang pagkalas nila sa TAPE.
"We had to stop the airing nung time na alam namin na talagang lalabas sila because we wanted to negotiate with them still,” ani Bullet.
Sinabi rin ni Bullet na walang nakaltasan ng sahod sa mga host pero inamin niya na malaki ang gastos sa produksyon.
"We had to make a corporate decision, a business decision to negotiate — not even sink. Hindi namin sila tinanggal but to negotiate. Sabi namin pag-aralan naman natin 'to, mag-ano naman tayo dito, lets communicate," sabi ni Bullet.
Sa ng kontrobersiya, umapela si Jalosjos sa mga manonood na suportahan ang mga bagong host ng "Eat Bulaga."
“Pagbigyan niyo naman yung mga talents namin ng chance, kasi naaawa na ako sa kanila. We have a duty to fulfill to GMA and to the people, na hindi po kami puwedeng mawala lang sa ere because iniwanan lang kami ng lahat ng host,” sabi ni Jalosjos.
Sinisikap pa ng GMA Integrated News na makuha ang panig ng TVJ kaugnay sa mga sinabi ni Bullet.
Mapapanood naman ang full interview kay Bullet sa upcoming episode ng "Updated With Nelson Canlas." — FRJ, GMA Integrated News