Bilang mga bagong host ng "Eat Bulaga," nagpapasalamat sina Paolo Contis, Betong Sumaya at Buboy Villar na sila ang napili para ipagpatuloy ang longest-running-show sa Pilipinas. Ayon din kay Paolo, wala silang plano na pumalit kina Tito Sotto, Vic Sotto, at Joey De Leon.
Nitong Lunes, nagbalik-live na ang "Eat Bulaga" makaraang ilang araw na magpalabas ng replay kasunod ng pagbibitiw sa TAPE Inc., nina Tito, Vic, Joey, at iba pang hosts ng programa.
Ang TAPE ang producer ng "Eat Bulaga" na ipinapalabas sa GMA. Kabilang din sa mga bagong kasama sa programa ang kambal na sina Mavy at Cassy Legaspi, at Alexa Miro.
Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras," sinabing nagpasalamat ang mga bagong host na nairaos nila ang pagbabalik ng programa kahit biglaan ang naging paghahanda nila.
Ayon kay Paolo, karangalan na makasama siya sa mga napili ng ipagpatuloy ang programa at patuloy na makatulong at makapagpasaya sa mga tao.
"Lilinawin rin lang natin na wala kaming plano, wala kaming chance na palitan sina Tito, Vic and Joey. Wala kaming chance doon," paliwanag niya.
Idinagdag ni Paolo na tumugon lang sila sa tawag na magtrabaho at ituloy ang nais ng TAPE Inc, na ipagpatuloy ang pagbibigay ng premyo at saya sa mga tao.
Aminado naman si Betong na marami siyang naramdaman, at nagpasalamat siya sa nakitang solidong suporta sa kanila ng TAPE.
Sabi naman ni Buboy." Naka-focus po ako sa entertainement. Nagtiwala sila sa ako, at magtitiwala po ako sa mga nanonood."
Ayon kay Paolo, dahil sila ang kinuha na maging host ng "EB", responsibilidad nila na ibigay ang 100 percent.
"I hope you give us a chance," pakiusap niya. "Kasi at the end of the day, pinatawag kami para tumulong sa tao, makapagpasaya sa tao, how can you say no to that." --FRJ, GMA Integrated News