Patuloy sa paghahanap ng paraan ang mga drug trafficker sa Colombia para makapagpuslit ng ilegal na droga palabas ng bansa. Kung dati ay ginawang sabaw ng buko ang liquid cocaine, ngayon naman ay ginawa nilang donasyong "dugo."
Sa video ng GMA News Feed, makikita na ipinasuri sa K-9 ng mga tauhan sa isang airport sa Antioquia, Colombia ang isang bagahe na may nakasulat na mga donasyong dugo na nasa tatlong blood bag.
Nang amuyin ng aso ang bagahe, umupo ito na indikasyon na may ilegal na droga sa loob. Kaya naman sinuri ang laman ng blood bag, at nakumpirma na liquid cocaine ang laman nito na kinulayan lang ng pula.
Ayon sa mga awtoridad, tumitimbang ng 1,629 gramo ang droga na balak sanang ibiyahe sa Amsterdam sa Netherlands.
Sakaling nakalusot, isasailalim sa proseso ang liquid cocaine upang maging powder muli.
Panibagong modus umano ng mga drug trafficker na gawing dugo ang droga para maipuslit palabas ng bansa.
Noong Enero 2022, nasabat sa Cartagena, Colombia ang malaking shipment ng buko na ipadadala sana sa Genoa, Italy, na nabisto naman na pinalitan ng liquid cocaine ang sabaw nito sa loob. --FRJ, GMA Integrated News