Sinabi ni Boy Abunda na naging patas siya sa kaniyang panayam kay Television and Production Exponent (TAPE) Inc. Chief Finance Officer na si Dapitan Mayor Bullet Jalosjos nang pag-usapan nila ang mga isyung bumabalot sa “Eat Bulaga.”
Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Miyerkoles, sinabi ni Tito Boy na bago niya kapanayamin si Jalosjos, personal muna siyang tumawag kina Tony Tuviera, dating President at CEO ng TAPE Inc., at Mike Tuviera para kunin din ang kanilang panig.
“They chose to be quiet, at naiintindihan ko po, at iginagalang ko po ang kanilang pananahimik,” sabi ni Tito Boy. “But we did call, bumusina po kami bago ho kami nag-interview.”
“Ang pangarap naman talaga namin is to be able to present stories as fairly as we can, and we tried to do it,” pagpapatuloy ni Tito Boy.
Sa kaniyang panayam kay Jalosjos noong nakaraang linggo, ibinahagi ng alkalde ang tungkol sa pagreretiro umano ni Tony Tuviera bilang President at CEO ng TAPE Inc.
Ngunit sa panayam sa “Updated with Nelson Canlas” podcast, pinabulaanan ni Tito Sotto, isa sa mga haligi ng Eat Bulaga, ang pahayag ni Jalosjos, na sinabing hindi nagretiro kundi “pinagretiro” si Tuviera.
READ: Tito Sotto sa isyu ng 'Eat Bulaga': ‘Why fix it if it ain’t broke?’
Pinasubalian din ni Sotto ang mga pahayag ni Jalosjos na wala umanong problema tungkol sa usapin ng pinansiyal. Anang dating senador, sinabihan sila ng board na nalulugi umano ang Eat Bulaga kaya kailangang magpatupad ng mga pagbabago.
May pagkakautang din umano sa kanila nina Vic Sotto at Joey de Leon ang TAPE.
Sa kabila ng mga naglalabasang pahayag, umaasa si Tito Boy na maayos din ang lahat sa Eat Bulaga.
“Sa dulo ng kuwentuhang ito, ano ba talaga ang ating pinapangarap? Sana’y maayos ito ng pag-uusap dahil kawalan din ho ito natin. Bulaga has been part of our lives for 43 years. This is the reason why we continue to be interested, we are engaged in this conversation,” sabi ni Tito Boy tungkol sa isyu.
Sinabi ng King Talk na bukas ang programa para sa lahat ng panig.
“Kami ho rito sa 'Fast Talk with Boy Abunda,' we remain open to all sides of the story. At kami ang magpapatuloy na makinig, manood at narito lamang ho kami para iparating sa aming mga manonood ang kabuuan ng kuwentong ito,” sabi ni Tito Boy. -- FRJ, GMA Integrated News