Ilang kalalakihan na hindi masaya sa sukat ng kanilang maselang bahagi ng katawan ang sinubukan ang sabon na kaya raw magpalaki ng kanilang "pagkalalaki." At naging resulta, alamin.
Sa programang “Pinoy MD,” ikinuwento ng 36-anyos na si Randy Demetera, na nagkaroon siya ng kasintahan ngunit umabot lamang sila ng lima o anim na buwan dahil may "third party."
“Sad to say nga, medyo jutay,” pag-amin ni Demetera.
Kaya naman sinubukan ni Demetera ang sabon na kaya raw magpalaki ng ari na nakita niya online. Malamig umano ito sa pakiramdam kaya inaraw-araw niya ang paggamit ng sabon.
“Wala namang ano...bahagya, parang hindi nga masyado,” sabi ni Demetera tungkol sa epekto ng sabon sa kaniyang ari.
Ang 18-anyos naman na si Jomari Yambao, madalas naman daw tuksuhin ng mga kaibigan tungkol sa sukat ng kaniyang ari.
Kaya naman gumamit din si Yambao ng wonder sabon na nakapagpapalaki umano ng ari.
Pero bukod sa walang "malaking" naging resulta, tinubuan pa si Yambao ng mga pantal sa singit na mahapdi at makati.
Pagkaraan lamang ng isang buwan, itinigil na ni Yambao ang paggamit nito.
“Parang hindi na po maganda ‘yung resulta. Ang nakalagay din po kasi roon pampaputi tapos pampalaki ng ari. Kaya nga rin po ako na-engganyo kasi pang-ano ng flows. Doon ko lang napansin na hindi pala talaga. Huwag kang maniniwala sa mga gano’n na sinasabi sa product,” sabi ni Yambao.
Ayon kay Dr. Jo Ben Chua, hindi epektibo ang sabon na nakakapagpalaki umano sa ari ng lalaki dahil hindi ito aprubado ng Food and Drug Administration (FDA).
“Wala siya talagang effect. Ang marketing ng mga sabon ngayon is nagpapahaba ng ari, nagpapalaki ng ari at nagpapatagal ng sexual performance. Pero sa katotohanan, wala naman siya talagang ganoong effect. Ang usual temporary effect nila is meron kasi silang soothing or cooling sensation,” sabi ni Dr. Chua.
Bukod dito, posibleng mayroon itong mga matatapang na kemikal, na sa halip makabuti ay makasama pa.
Nagpaalala rin si Dr. Chua, na hindi dapat nagpaturok ng petroleum jelly sa ari dahil may kasama itong komplikasyon.
Pero may produkto, paraan o procedure nga ba para lumaki ang ari ng lalaki? Alamin ang sagot sa video ng "Pinoy MD." --FRJ, GMA Integrated News