Naging palaisipan at nagdulot ng pangamba ang biglang pagkawala ng isang batang lalaki na dalawang-taong-gulang sa Las Nievas, Agusan del Sur. At pagkaraan ng ilang araw, nakita ang kaniyang bangkay sa ilog.
Sa video na ipinakita sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," makikita ang pagiging masayahin at malambing ng batang si Jake Kobe, bunsong anak nina Rolito at Emma Bito.
Nang araw na nawala si Kobe, nagtungo sa sabungan nina Rolito at Emma upang magtinda ng pagkain. Naiwan noon sa bahay ang bata, kasama ang nakatatanda niyang kapatid na babae.
Kampante ang pamilya na labas pasok lang sa kanilang bahay si Kobe at o kaya ay naglalaro ng basketball sa kanilang tapat.
Ngunit pagkalipas ng ilang oras, nakatanggap na text si Emma mula sa iba pa nilang anak upang ipaalam na hindi nila makita ang bunsong kapatid.
Kaya naman agad na umuwi ang mag-asawa upang tumulong sa paghahanap, at kinalaunan ay ipinagbigay-alam na nila sa mga awtoridad na nawawala si Kobe.
Sa gitna ng kanilang paghahanap, may iba't ibang impormasyon silang natatanggap mula sa mga posible umanong kumuha kay Kobe.
Ang isang dalagita na itinago sa pangalang "Jen-jen," ang nagsabing may nakita siyang lalaki na bitbit umano si Kobe.
May kuha rin sa CCTV camera na may nakita na isang babae na tila may kargang bata ngunit hindi rin matiyak kung si Kobe ba ang dala nito.
Nakatanggap din ng impormasyon sina Emma tungkol sa umano'y babaeng pasahero sa bus na nakitang may kasamang batang lalaki na umiiyak at tila hinahanap ang kaniyang ina.
May nagpahula rin sa albularyo na nagsabi na makikita si Kobe sa sapa ngunit nang kanilang puntahan ay wala silang nakita.
Gayunman, ilang araw makaraang mawala si Kobe, isang bata ang nakitang lumulutang sa ilog. Nang puntahan nina Emma ang lugar, nakumpirma nila na ang bata ay ang nawawala nilang anak na si Kobe.
Nugnit hinala ni Mang Rolito, hindi lang basta nalunod ang kaniyang anak dahil sa hitsura ng katawan nito nang matagpuan.
Mayroon nga kayang foul play sa sinapit ni Kobe? At ano ang katotohanan sa mga impormasyon na kanilang natanggap tungkol sa umano'y pagkawala ng bata?
Alamin ang resulta ng isinagawang imbestigasyon ng pulisya sa video na ito ng "KMJS." Panoorin. --FRJ, GMA Integrated News