Dahil kanang paa lang ang taglay, naging libangan na lamang ng isang 47-anyos na lalaki ang pangongolekta ng kaliwang pares ng mga binibili niyang tsinelas at sapatos. Hanggang sa isang araw, nakilala niya ang isang lalaki na kaliwang pares naman ng tsinelas at sapatos ang tanging kailangan sa buhay.
Sa kuwentong Dapat Alam Mo! ni Oscar Oida, ipinakilala si Christopher Romero, isang left leg amputee, na may koleksyon ng puro kaliwang pares ng tsinelas at sapatos na hindi pa nagagamit.
Kuwento ni Romero, pinutol ang kaliwang binti niya dahil sa nakitang tumor.
“Minsang pagsakay ko ng service, may naramdaman kasi ako sa katawan ko na paglagutok. ‘Yung lagutok na iyon nakapasok pa rin ako noon eh pero kinabukasan, wala na siyang lakas, hindi ko na siya maitapak,” sabi ni Romero.
Hanggang sa natuklasan ni Romero na may tumor sa kaniyang kaliwang tuhod, at hindi na siya nagdalawang isip pang ipaputol ang kaniyang binti.
Malignant o cancerous na umano ang tumor na nasa tuhod ni Romero.
“Mas maluwag ko na lang siyang tanggapin kaysa antayin ko pa ‘yung maputulan ako na hindi ko ginusto,” sabi ni Romero, na may higit isang dekada nang person with disability.
Dahil putol na ang kaliwang binti, pinanghihinayangan ni Romero ang mga kaliwang pares ng tsinelas at sapatos na hindi na niya nagagamit.
“‘Pag makikita mo ‘yung naiipon na kaliwa, sabi ko ‘Sayang naman.’ Luma na, nasira na ‘yung kapares, pero ‘yung kaliwa buo pa. Actually hinahanapan ko talaga ng puwedeng pagbigyan ng tsinelas ko,” sabi ni Romero.
Halos katulad ng sitwasyon ni Romero ang pinagdadaanan ni Juanito Maray, 56-anyos, na isa namang right leg amputee.
Naputol ang kanang binti ni Maray dahil sa impeksiyon sa kalyo sa kaniyang paa. Ayon sa doktor, maaaring mamatay si Maray kapag hindi ito pinutol dahil aakyat sa dugo ang impeksiyon.
“Pumapasok sa isip ko noon wala na akong silbi, kasi hindi ka na makakapagtrabaho, limitado na ‘yung galaw mo. Hindi maganda ‘yung naiisip ko noong time na ‘yon. Naisip ko noong time na ‘yun na mag-suicide, pero noong nakita ko ‘yung dalawang anak ko na ganoon kaliliit, naisip ko, makakaya rin naman,” sabi ni Maray.
Hindi tulad ni Romero na bumibili ng pares ng sapatos kahit na kanan lang ang gagamitin, si Maray, mas ninanis na maghintay lang ng kanan pares na makikitang puwede niyang gamitin para makapagtipid.
Hanggang sa pinagtagpo ng pagkakataon sina Romero at Maray nang magkakilala sila sa isang samahan ng mga PWD at naging matalik na magkaibigan.
Dahil dito, nalutas ang problema ng dalawa tungkol sa pares ng sapatos o tsinelas na gagamitin dahil halos magkasukat naman ang kanilang mga paa.
Kaya sa tuwing bibili na ng sapatos, ang kanang pares ay mapupunta kay Romero, at ang kaliwa naman ay mapupunta kay Maray.
Sa kabila ng kanilang kapansanan, makikita sa video ang kasiyahan at biruan ng dalawa nang bumili at pumili sila ng pares ng sapatos na kanilang paghahatian. Panoorin-- FRJ, GMA Integrated News