Bukod sa umano'y pambabastos at pagsisinungaling, inihayag ni Carla Abellana na sukdulan na ang mga ginawa ng dati niyang asawa na si Tom Rodriguez kaya nauwi na hiwalayan noong nakaraang taon.
Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Huwebes, binalikan ni Carla ang dahilan ng paghihiwalay nila ni Tom, na napakarami umano.
“Napakadaming dahilan, kung ililista po natin medyo marami po ‘yan. But basically, bottom line is, kumbaga umabot na po sa breaking point, sobra na po. There was still disrespect, to all the lying and all that. There was no change,” lahad ni Carla.
“Hindi po ‘yun first time na nangyari sa amin kung ano man ‘yung pinagdaanan namin. Pero ito po is taken into a different level, mas extreme na po, mas malala,” dagdag niya. “You get to the point na it’s too much already.”
Inilahad ni Carla ang kaniyang mga natutunan sa kaniyang karanasan pagdating sa kasal, at ang pagsasawalang-bisa nito.
“Ibang usapan po kapag marriage eh. Basically being a Catholic, alam natin dahil you have to fight for the marriage, dapat unlimited ang forgiveness. But then kailangan niyo pong magtira para sa sarili niyo, ‘yung respeto. You have to know your worth. Dapat alam niyo ang value niyo. Walang problema kung magpatawad at magbigay ng napakaraming chance, but there has to be change,” anang Kapuso actress.
“So ang hirap po na you are determined to fix something, a relationship, but then walang reciprocation. You cannot fix someone na ayaw ayusin,” patuloy niya.
Nauna nang sinabi ni Carla na nakaranas siya ng pambabastos, pagtataksil at pinagmukha umano siyang tanga ni Tom.
Masaya sa divorce decree
Ikinatuwa ng kampo ni Carla sa ginawang pagsasampa ni Tom ng diborsyo sa Amerika.
“Unang-una right po niya ‘yon, ang pangalawa may option siya no’n. We’re actually very happy na he decided na ‘yon ang i-file niya para hindi na kami mag-file ng petition for nullity dito sa Pilipinas,” saad niya.
“Masaya po kami roon actually kasi nga po hindi na namin kailangan ilabas ‘yung mga samaan ng loob or dirty laundry ng bawat isa. We don’t have to go through that entire process ng annulment dito sa atin,” dagdag ni Carla.
Natanggap na rin ng kampo nina Carla ang decree, at nakapaghain na sila ng petition for recognition of a foreign judgment.
Temporary protection order
Granted na rin ang temporary protection order na inihain ng kampo ni Carla sa lokal na korte.
Dahil parehong Kapuso stars, hindi pa rin maiiwasan na magkita o magkatrabaho sina Carla at Tom.
Pero paliwanag ni Atty. Peter Sanchez, abogado ni Carla, ang order ay para sa pag-invoke ng aktres sa kaniyang proteksyon.
“If they are in the same building, in the same locality, if she doesn’t feel threatened or any manner uncomfortable she may opt not to,” paliwanag ni Atty. Sanchez.
“But once she feels that, ‘I don’t like this feeling anymore,’ then she can request the other party to be in accordance with the orders of the court. It’s for her to invoke,” dagdag ni Atty. Sanchez.
Ayon kay Carla, matutuloy pa rin ang temporary protection order, ma-grant man o hindi ng korte ng Pilipinas ang kanilang diborsiyo.-- FRJ, GMA Integrated News