Inihayag ni Vin Abrenica na labis siyang nasasaktan na maging sila ng asawa niyang si Sophie Albert ay idinadamay din ng ilang tao sa pambabatikos at pagpuna sa kapatid niyang si Aljur. Pero pagtiyak ni Vin, hindi niya hihiwalayan ang kaniyang asawa.
“Inaamin ko naman eh, kahit ako nadadamay ako. I just got married. And all of the comments na sinasabi, ‘Maghihiwalay din kayo,’ na parang I’ll give it three years. It’s so painful,” sabi ni Vin sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Miyerkoles.
Sabi pa ni Vin, kahit si Aljur ay nasasaktan din umano kapag nadadamay sila ni Sophie sa mga kontrobersiyang kinasasangkutan nito.
“Imagine for me, masakit ‘yon, also for him. Na, Bakit ginaganyan ang kapatid ko? Wala namang kinalaman ‘yan.’ Masakit Tito Boy. We’re going through that now. Me and Sophie hindi naman nagma-matter masyado, but ayun, mahirap na lang magsabi,” saad niya.
Sinabi ni Vin na wala siyang planong hiwalayan si Sophie.
“I mean come on guys. We’re 10 years. Sa marriage namin, nagpakasal kami kasi we’re 10 years na, we have a beautiful baby girl, and wala kaming naging problema for that 10 years," pahayag ng aktor.
"Everything in that 10 years has been so happy, and I’m not planning to break the relationship or wala akong pinaplano na give it three years, give it two months, or kapag nagkaanak din ‘yan ng dalawa, maghihiwalay din sila,” dagdag pa ni Vin, na bahagi ng bagong Kapuso fantasy series na “Mga Lihim ni Urduja.”
Buhay may-asawa
Kinumusta naman ni Tito Boy si Sophie kay Vin.
“Super nice. Ever since naman she’s out my league,” sabi ni Vin.
“She’s the best woman I could think of. She’s so smart, so polite, she makes me feel like I’m so secure,” paglalarawan ni Vin tungkol sa kaniyang asawa.
“Kaya I’m doing my best talaga to be someone na deserve niya,” sabi ni Vin.
Ikinuwento rin ni Vin ang kaniyang pagiging hands-on na ama sa anak nila ni Sophie na si Baby Avianna.
“It’s the best. There’s a reason for everything that I do now. Meron nang dahilan, may dahilan ako kung bakit ako gumigising, may dahilan ako kung bakit ako nagbubuhat, may dahilan kung bakit ako nagtatrabaho. Lahat ng ginagawa ko ngayon may dahilan at siya ‘yon,” sabi ni Vin.
“Napakasarap. It’s so rewarding,” dagdag niya.
“Kasi dati walang dahilan?” birong tanong ni Tito Boy kay Vin.
“Kilala mo naman ako. Ganu’n ganu’n lang ako, kahit saan lang ako. But now it’s so rewarding,” ayon kay Vin na natuto rin umanong magpatulog ng anak at magpalit ng diapers.
“Since six months up to now, she sleeps through the night, wala na siyang gising in the middle of the night. Meron kaming sleep training na nagawang routine at night," kuwento niya. --FRJ, GMA Integrated News