Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Miyerkoles, inilahad nina Sofia Pablo at Allen Ansay ang estado ng kanilang relasyon ngayon.

Sa "Fast Test," pinapili ng King of Talk sina Sofia at Allen kung sila ba ay "friends," "special friends" o "more than friends."

"Special friends. Mega, super, extreme," sulat ni Sofia sa isang board tungkol sa kanila ni Allen.

Samantalang si Allen, "Special friends" din ang isinulat sa kaniyang board.

"That answers the question. I look forward to your wedding," biro ni Tito Boy sa dalawa.

Ipinasulat din Tito Boy kay Allen na kung halimbawang huling araw na ng mundo, sino ang kaniyang magiging girlfriend.

"Sofia Pablo. Aki, Bea," sagot ni Allen, na lahat ay pumapatungkol kay Sofia.

"'Yun po kasi ang tawag ko sa kaniya, Aki. Tapos 'yung nickname niya Bea, [in short for] Beatrice," anang binata.

Sa pagtatapos ng panayam sa kanila, iniabot ni Tito Boy ang isang buoquet ng mga bulaklak kay Allen, at tinanong kung ano ang mga isasama niyang salita kung ibibigay niya ito kay Sofia.

"Padaba taka," sabi ni Allen, na nangangahulugang "I love you" sa Bicol, na siya namang kinakilig ni Sofia.

Umpisa ng Team Jolly

Muling binalikan ni Tito Boy kung paano nagsimula ang loveteam nina Sofia at Allen, kung saan si Allen ang kumausap kay Sofia kung maaari silang mag-collab.

Tinangkilik ng milyon milyon nilang fans ang kanilang "Team Jolly."

Pag-amin ni Allen, palusot niya lamang ang pagkausap kay Sofia dahil crush niya talaga ang dalaga.

"Inamin niya po. Noong mga months na po after namin mag-usap sabi niya po napapanood niya ako sa Sherlock Jr." kuwento ni Sofia.

"Hindi pa po ako artista, kasi sa Bicol talaga uso ang nanonood ng TV. Tapos napapanood ko na noon si Sofie sa Sherlock," sabi ni Allen.

"Magkikita rin kami niyan soon," sabi raw ni Allen sa kaniyang sarili nang mapanood si Sofia.

Samantala, ang una namang regalo ni Allen na nagpakilig kay Sofia ay ang love letter.

"'Yun lang po kasi ang kahinaan ni Sofie, mga letters po. Hindi talaga ako mahilig magsulat. Pero noong nakilala ko siya, every Valentine's, birthday niya, letters talaga ang ginagawa ko," sabi ni Allen.

Si Sofia naman, nagsagawa ng birthday surprise, na ikinakilig ni Allen.

"Pero hindi ka pa nag-I love you noon?" diretsahang tanong ni Tito Boy kay Allen.

"Sa palabas Tito Boy," paiwas na sagot ni Allen.

"Allen, nag-I love you ka ba kay Sofia? Oo o hindi?" giit ni Tito Boy.

"Yes. Doon sa eksena namin," tugon ni Allen.-- FRJ, GMA Integrated News