Isang babae sa Misamis Oriental ang sinaniban umano ng kaluluwa ng isang lalaking kinidnap at pinatay noong 1970. Nagbigay pa ng pangalan ang naturang sumanib na mayroon daw mensahe para sa kaniyang pamilya.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” makikita sa isang video na nakahandusay ang babae na umano'y sinaniban habang dinadasalan ng manggagamot na si Linda Mabanta sa Misamis Oriental.
Itinago sa pangalang "Karla" ang babae na nagsabing nabulabog siya habang natutulog dahil sa tila malamig na yumakap sa kaniya.
“Nagulat na lang ako nang may yumakap sa akin na malamig na malamig at nanginginig ako. Masakit ang aking ulo, ang mata ko ay parang tinutusok ng karayom. Ang aking tiyan ay masakit na hindi ko maintindihan na para akong inooperahan,” saad niya.
Dahil dito, dinala si Karla ng kaniyang kamag-anak kay Linda na nagsabing may sanib umano ang dalaga.
Nang kausapin ni Linda ang umano'y kaluluwang sumanib kay Karla, nagpakilala ito na si "Rispin Gordanot Diosdado."
Ayon umano kay Rispin, dinukot siya at pinatay.
“Kahit ako hindi makapaniwala na sinapian ako ng espiritu dahil para sa akin sa pelikula lang ‘yun nangyayari,” ani Karla.
Ipinost naman ni Linda sa social media ang nangyari bilang pagtugon sa hiling umano ng kaluluwa ni Rispin na maipaalam sa kaniyang mga kaanak ang nangyari sa kaniya.
“Sana marinig ito ng pamilya dahil hindi naging madali ang pagkamatay ni Rispin Gordanot,” dagdag ni Linda.
Hanggang sa may natanggap na mensahe si Linda mula kay Merceditha Dalora, na taga-Camiguin.
“Tinanong niya kung ano po ba raw ‘yung apelyido sa na-possess… posible talaga,” ani Jeanrose Cabanilla, anak ni Linda.
“’Yung hinahanap na kapamilya ng auntie ko is Diosdado ‘yung apelyido,” pagbabahagi naman ni Jeanrose tungkol sa nagmensahe.
Si Juanito Sario ang tinutukoy ni Jeanrose na may nawawalang kaanak. Pero lumitaw na babae at hindi lalaki ang nawawala nilang kaanak na may apelidong Diosdado.
Pinuntahan din KMJS team ang tinutukoy ni Karla na lugar sa bayan ng Tagoloan sa Misamis Oriental, pero wala sa voter’s list ang pangalan ng umano'y sumanib na kaluluwa.
Ayon naman sa Philippine National Police Alubijid, walang naitalang kidnapping o murder case sa kanilang bayan noong 1970.
Sa kabila nito, sinabi ni Linda na hindi niya pipilitin maniwala ang mga tao sa nangyari umanong sanib.
Ipinatingin ng KMJS si Karla sa doktor upang malaman ang sanhi ng pananakit ng tiyan nito.
“Sumakit ang tiyan niya is because nagka-gastritis siya,” ayon kay Dr. Margie Quiblat, na isang gastroenterologist.
Ipinakausap din ang dalaga sa sa isang clinical psychologist na si Dr. Jaymee Leonen.
“Gastrointestinal kasi related ang sakit niya. Sumakit ang tiyan niya, nanghihina ang katawan niya. Minsan din sa mga ganitong sitwasyon, ‘yung client natin nakaka-experience sila ng delirium or situations they say things and don't remember. They can also create certain situations,” paliwanag ni Leonen. -- FRJ, GMA Integrated News