Kung may mga bacteria na masama sa kalusugan, mayroon din namang mga bacteria na mabuti at nagbibigay ng benepisyo sa tao. Lalo na umano ang nabuo dahil sa fermentation o pagbuburo ng tinapay o ng tsaa.

Sa kuwentong "Dapat Alam Mo!" ni Darlene Cay, sinabing hinasa ng negosyanteng si Eunice Lee ang fermentation o pagbuburo ng tsaa, o tinatawag ding "kombucha," dahil constipated sila ng kaniyang ina at kapatid.

"Ang maganda dito some of the by-products ng fermentation na tinatawag natin, produces vitamins, produces anti-inflammatory, anti-microbial, mga basically nagpapalakas sa katawan natin," sabi ng chemist na si Janir Ty Taducan.

Puwede nang gumawa ng kombucha gamit lamang ang black tea. I-brew ito tulad ng nakagawian, at lagyan ng asukal para manatiling buhay ang bacteria at yeast na lumalabas sa tsaa.

Iimbak ito hanggang sa mabuo ang scoby o Symbiotic Colony of Bacteria and Yeast, ang tila nata de coco na nabuo sa ibabaw ng tsaa.

Sinabi ni Taducan na good bacteria ang nalilikha ng scoby na nasa kombucha. Iba ito sa amag, dahil ito ay mga bacteria na nabuo para makagawa ng fermentation.

Hindi nalalayo ang proseso ng paggawa ng kombucha sa paggawa ng suka dahil habang tumatagal, nakalilikha ito ng maasim na lasa.

Mayroon ding bersyon ng fermentation sa tinapay na gumagamit ng sourdough starter o tubig at harina para umalsa at lumambot ang dough.

Ayon kay Chef Alvin Ong, nag-i-inoculate ang sourdough ng bacteria na galing sa hangin at sa mismong flour para lumago.

Sa sourdough din nanggagaling ang maasim-asim na lasa ng tinapay.

Sinubukan na rin ni Chef Ong ang starter mixture sa pandesal at loaf bread.

"May mga bacteria talaga na good bacteria na kailangan talaga natin doon sa katawan natin. Kailangan talaga rin silang ma-boost para mas maganda 'yung movements ng ating bowels o kaya mas maganda rin ang flora ng ating mga tiyan," sabi ni general physician na si Dr. Gerald Belandres.

"May iba ring instances like 'yung mga pampabawas ng timbang, puwede rin 'yung mga anti-oxidant effect na pwedeng pamproteksiyon sa ating katawan at lalakas 'yung immune system natin," dagdag ni Dr. Belandres.

Paalala naman ni Dr. Belandres, katamtaman lamang ikonsumo ang mga ganitong pagkain at inumin dahil maaari itong makapahamak sa healthier lifestyle. --FRJ, GMA Integrated News