Kahit tadtad ng penalty, super laughtrip ang ibinigay sa mga dabarkads ng UMD twins na sina Jim at James Salas nang sumalang sila sa jackpot round sa Pinoy Henyo segment ng "Eat Bulaga."
Mahigpit ang patakaran na "oo" at "hindi" lang ang dapat nilang isagot kapag humingi ng clue sa mga pinapahulaang salita sa loob ng tatlong minuto.
Pero dahil sa tensyon, hindi naiwasan ng dalawa na may iba pang sabihin, at kung minsan, halos mapamura na. Kaya natadtad sila ng penalty, na tatlong segundo ang ibinabawas sa kanilang oras sa bawat penalty.
Sa elimination round, minani lang ng kambal ang mystery word na "tuhod" na nasagot nila sa loob lang ng 30 segundo. Dahil dito, sila ang umusad sa jackpot round.
Pero sa unang salita pa lang na lumabas sa jackpot, kuwela na ang kambal sa salitang "isaw," dahil napa-oo si Jim nang tanungin ni James kung piniprito ba ito.
"Sosyal sa kanila kasi deep fried 'yan," komento ni Paolo Ballesteros.
Hindi nahulaan ni James ang isaw kaya nag-pass lang siya. Pero nahirapan din si Jim na hulaan ang sumunod na salitang "boots" kaya nag-pass din siya at balik sa paghula si James.
Sa pagkakataong ito, ilang beses na silang na-penalty kaya ilang segundo na ang natapyas sa nakalaang minuto ng kambal.
Nang salitang "South Korea" na ang pinapahuluan, nabanggit na ni James ang salitang "Korea." Kaya naman napasigaw si Jim nang: "'Yan! Malapit na!," bagay na panibagong penalty sa kanila.
Ngunit nahirapan pa rin si James na makuha ang tamang sagot at napatanong pa siya ng "South?," at excited na naman na sumagot si Jim nang: "Yan!, 'Yan!."
Pero sumunod na sagot ni James: "South Africa?!" na nadulot ng matinding tawanan sa mga dabarkads.
Naubos ang oras ng kambal na hindi nasagot ang South Korea. Panoorin ang natutuwang episode sa video.--FRJ, GMA News