Isang 19-anyos na ina ang dumulog sa programang “Sumbungan ng Bayan” dahil hindi umano sila pinapayagan ng kaniyang biyenan na bumukod ng bahay ng kaniyang kinakasama. Ito ay kahit pa mahigit tatlong taon na silang magkarelasyon at may isa na silang anak.
Ayon sa ina na si Jhamaica, hindi sila tuluyang makapagsama ng kaniyang karelasyon [na 18-anyos] sa iisang bahay dahil sa mahigpit na patakaran ng kaniyang biyenan, o ang ama ng lalaki.
“Gusto ko lang naman hayaan na kaming bumukod pero ‘yung tatay ng kinakasama ko kinuha niya ang anak niya," saad ni Jhamaica sa liham na kaniyang pinadala sa programa.
Pinagbabawalan din umano sila ng kaniyang karelasyon na magtabi. Ayaw din umano ng kaniyang biyenan na magtrabaho ang anak nito.
“Sabi niya po siya na raw ang magbibigay ng gatas ng anak namin. Hindi naman po nila naibibigay ‘yung pangangailangan ng anak namin,” ayon sa ginang.
Ayon kay Atty. Ian Sia, dapat munang tanungin kung bakit nga ba tumututol ang biyenan ni Jhamaica na magsama sila ng kaniyang kasintahan lalo't nasa murang edad pa silang dalawa.
“Baka mamaya naman pinag-aaral pa niya [biyenan] ang anak niyang lalaki. Gusto pa niyang magtapos para naman may mangyari sa buhay,” paliwanag ni Sia.
Dagdag pa ng abogado, baka mayroong mas long term na plano ang tatay ng lalaki na maituturing na practical side ng sitwasyon..
Pero pagdating sa usaping legal, ipinaliwanag ni Sia na wala nang kontrol ang magulang sa kaniyang anak kapag tumuntong na ito ng 18-anyos.
“Legally, ang isang tao na kapag hinarap niya ang edad na 18-anyos ang tawag sa kanya ay emancipated… normally kasi kapag menor ka, subject ka sa control ng magulang mo. So, kapag na-reach mo ang age ng 18, doon ka pa lang magkakaroon ng sarili mong disposisyon,” ani Sia.
“So, sa kaso ng lalaking ‘yan, 18-anyos na siya, under the family code, emancipated na siya, puwede na siyang magdesisyon,” dagdag niya.
Gayunman, sinabi ni Sia na kailangan pa rin ng parental consent kapag magpapakasal sa edad na 18 hanggang 21 batay sa Family Code.
“Kapag hindi mo kinuha ang parental consent na ‘yan, puwede kang makasal pero may delay lang na three months kapag nag-apply ka ng lisensiya for marriage license dahil 18-anyos ka. Tatanggapin naman ‘yan basta may proof ka na legal age ka na,” sabi pa ng abogado.
“Pero kung hindi ka makakapag-present sa local civil registrar na tinatawag na parental consent, then after publication which is 10 days, i-hold pa ‘yan for another three months. After ng three months, doon pa lang lalabas ang marriage license at doon pa lang kayo puwede magpakasal,” patuloy ni Sia.
Samantala, binanggit din ni Sia na kahit walang parental consent, puwede pa rin naman na magpakasal sa edad na 18 hanggang 21 pero hindi raw ito advisable.
“Walang consent ang magulang, puwede ba ‘yon? Yes. Mayroon lang problemang parating… within that period na 18 to 21, magbago ang isip ng magpakasal, puwede niyang gamitin ‘yung lack of parental consent para ipawalang bisa ‘yung kasal,” sambit niya.
“So hindi rin advisable na magpakasal ka kung ‘yung magulang eh tutol kasi sa edad na ‘yan, pagpalagay natin ipilit nila ang gusto nila, eh paano kung magbago ang isip ng lalaki? Hindi rin mabuti ang kahihinatnan… Kung legalidad, yes, magpakasal kayo,” dagdag pa niya.
Pero paano naman kung ang binabalak nina Jhamaica ay mag-live-in lang at 'di sila magpakasal ng kaniyang kasintahan? Sagot ni Sia, “Sa edad na 18-anyos, sa totoo mas naunang nagma-mature ang mga babae emotionaly…18 [anyos] pa lang ‘yan baka nga nasa isip niyan mag-basketball pa, maglaro. Hindi pa obligasyon ang nasa isip niya, kumbaga hindi rin advisable.”
Sa kabila nito, may karapatan nga ba ang kanilang mga magulang na pigilan sila Jhamaica na magsama at bumukod ng tahanan kahit na legal age na sila? Panoorin ang buong talakayan. --FRJ, GMA Integrated News