Mahilig ka bang sumali sa mga paluwagan? Paano kung ang nasalihan mong paluwagan, imbes na pera, libreng retoke ang sahod? Game ka ba?
Sa programang “Pinoy MD”, isinalaysay ng 33-anyos na si Bon Manalac na may lahing Espanyol ang kanilang pamilya kaya natural raw na matangos ang kanilang ilong.
Pero naiiba raw ang ilong niya, “Okay lang naman sana ‘yung bridge pero ‘yung dulo kasi medyo malaki siya.”
Hindi naman daw umabot sa punto na napipintasan si Bon, pero sa paglipas ng taon hindi raw nawala sa isip niya ang pagpapatangos ng ilong.
Hanggang noong nakaraang buwan, itinuloy na niya ang rhinoplasty surgery.
“Wala pa sa aking nagsasabi ng negative na parang ‘bakit mo ginawa ‘yan?’ Siguro dahil sa generation ngayon,” aniya pa.
“Medyo open na kasi ang mga tao sa surgery unlike before na kapag may pinabago ka itatago mo pa at hindi mo aaminin… parang naging mainstream na nga ‘yung pagpapagawa ng ilong. Parang hindi na siya isyu,” diin pa niya.
Sa ngayon, araw-araw na nililinis ni Bon ang kanyang ilong para maging maayos ang paghilom ng sugat.
Umabot daw ng higit P60,000 ang kabuuang gastos niya sa pagpaaayos ng kaniyang ilong.
Hindi lahat ay kayang magbayad ganitong halaga ng isang bagsakan. Kaya naman, sinimulan ni Bon ang rhinoplasty paluwagan.
“So ito pong rhinoplasty paluwagan namin is total po niya ay P64,800 ang package. P50,000 po du’n ay sa surgery. Ang pagbabayad po nila mas niliitan po namin, nag-range po ito ng P2,700 every 15 at 30 [ng buwan]. So every month, total po ay P5,400,” paliwanag ng kaibigan ni Bon na si Nikkole Equiz.
Sa ngayon, mayroon nang 12 miyembro ang rhinoplasty na paluwagan na sinimulan ni Bon. Sa susunod na buwan raw, mayroon nang sasailalim sa operasyon.
Ang cosmetic surgeon na si Dr. Edmund Syjuenco, na siyang gumawa ng ilong ni Bon, ang magsasagawa ng operasyon sa masuwerteng mabubunot sa paluwagan.
Ayon kay Syjuenco, mas ligtas ngayon ang rhinoplasty kung ikukumpara noon.
“In our clinic, usually ginagawa namin siya under sedation. Ibig sabihin po tulog ang pasyente from start to finish. ‘Yung material din na ginagamit ngayon is different now compared before. ‘Yung material before ang ginagamit ay silicone implant ngayon ang ginagamit na ay ‘yung tinatawag natin gore-tex implant is nag-simulate na parang buto mo siya. Then nag-harvest na ng ear cartilage na nilalagay sa tip,” paliwanag pa niya.
Dagdag pa ng doktor, mas tanggap na raw ngayon sa lipunan ang pagsasailalim sa iba’t ibang self-enhancing procedures.
“Noong araw kapag nagpagawa ka ng ilong ang tawag sa’yo parang retokada o retokado. So, parang kasalanan… actually, ngayon tinatawag na parang status symbol. Ibig sabihin, ‘yung binigay sa’yo ine-enhance mo pa. Hindi mo siya pinapabayaan, pinapaganda mo pa and ‘yung mga patient ngayon proud pa silang nagpagawa. Naka-document ‘yun from start to finish, one month to one year naka-document talaga sila,” diin pa ni Syjuenco.
Ayon sa mga eksperto, isinasagawa ang rhinoplasty hindi lamang para maging maganda ang itsura dahil may mga kaso raw na kung tawaging ‘functional rhinoplasty.’
Ibig sabihin nito, isinasagawa ang pagpapatangos ng ilong para mapabuti ang paghinga ng pasyente.
Paalala lang ni Syjuenco sa mga nagbabalak sumailalim sa enhancing procedures, kilalanin munang maigi ang doktor. Tiyakin din na tunay itong eksperto.
“Kasi marami ngayon ‘yung iba naging assistant ng dating doktor nagpapanggap na kaya nilang gawin ‘yung procedure na ‘yun. And second, dapat handa ka. Hindi ka lang dapat na-pressure o sinabihan na hindi maganda ang ilong mo, magpagawa ka. Kasi ang pagpapagawa ng ilong ay hindi overnight procedure,” dagdag pa ni Syjuenco.
Mahalaga rin ang after care at kailangang sundin ang lahat ng bilin ng doktor dahil kung hindi baka hindi rin maayos ang kalabasan ng operasyon. Dapat din daw bumalik sa doktor para sa mga follow-up checkups.--FRJ, GMA Integrated News