Hindi bababa sa 15 bahay ang nawasak nang biglang umangat at nagkabitak-bitak ang lupa sa Barangay Matinik, Lopez, Quezon nitong Sabado ng gabi.

 

Kwento ng mga residente, wala namang lindol pero nagputukan ang mga konkretong dingding at haligi ng bahay. Ilang bahay ang tuluyang nawasak habang ang iba ay tumagilid.

Nakilo rin ang riles ng tren. Umangat rin ang bahagi ang kalsada sa barangay.

Ito raw ang unang pagkakataon na mangyari ang sakuna sa kanilang lugar.

Sa takot ng mga residente ay agad silang lumikas.

Mayroong 35 na pamilya ang tumutuloy ngayon sa barangay hall.

Nanawagan sila ng tulong upang matukoy ang dahilan ng paggalaw ng lupa.

Ayon sa residente na si Juvy Cabildo, bandang 9:00 kagabi nagsimulang umugong ang paligid hanggang sa makarinig sila ng animo'y pagputok. Dakong 10:00 ng gabi naman nang magsimulang umangat ang ibang parte ng sitio habang ang ibang parte naman ay bumaba o lumubog.

Ang riles ng tren na dating tuwid ay tila alambre na nakilo o nabaluktot. 

Nawasak rin at bumaba ang isang parte ng highway.

Nasira rin ang source ng inuming tubig kung kaya’t nangangamba ang mga residente.

Nawasak rin ang ilang silid aralan. Kanselado na ang pasok dito at hindi narin itutuloy ang Christmas party bilang pag-iingat.

Ayon sa barangay captain, 35 bahay ang apektado, 15 bahay ang tuluyang nawasak. 

Sa ngayon ay nagtungo na sa lugar ang mga kinatawan ng LGU upang magsagawa ng assessment. Hindi na rin muna papayagan ang mga residente pumasok o bumalik sa lugar dahil peligroso.

May mga parte pa ng barangay ang gumagalaw o gumuguho.

Nananawagan sa pamahalaan ng mga barangay officials na matulungan sila at matukoy ang dahilan ang paggalaw ng lupa.—RF, GMA Integrated News