Nag-sign off o namaalam na sa kanilang mga karakter na sina Joy at Ethan sina Kathryn Bernardo at Alden Richards, na napanood sa top-grossing Filipino movie of all time na "Hello, Love, Again."
Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing overwhelmed sa tuwa sina Kathryn at Alden sa tagumpay na natamasa ng pelikula.
"To everyone who joined us in this journey, know na hindi namin makakalimutan ang experience na ito as much as you guys are to it also," sabi ni Alden.
Hindi matatawaran ang mga natanggap na pagmamahal at suporta nina Kathryn at Alden, mula pa sa umpisa ng love story ng kanilang mga karakter sa "Hello, Love, Goodbye" limang taon ang nakararaan.
"Hindi namin ito magawa nang wala 'yung suporta na iyon and that support motivated us and kept us going," sabi ni Kathryn.
"This is Joy, and this is Ethan, signing off," sabi nina Kathryn at Alden na hudyat ng kanilang pamamaalam sa kanilang mga karakter.
Nagsama ang mga showbiz at political personalities sa special VIP screening at thanksgiving party ng blockbuster film na "Hello, Love, Again" sa Taguig City.
Kabilang sa mga dumalo ang mga Kapuso at Kapamilya executives.
Dumalo rin sa special screening si First Lady Liza Araneta - Marcos, Senate President Chiz Escudero, at iba pang mambabatas at opisyal ng gobyerno.
"It's kind of like a happy cry, a fulfilled cry because parang na-realize ni First Lady 'yung home niya is 'yung husband niya. The film resonates [with] a lot of people in different ways," sabi ni Alden.
"Sabi niya it was a good kind naman so na-enjoy niya 'yung journey ni Ethan at Joy. And then she also mentioned na napanood niya rin 'yung first part," sabi naman ni Kathryn.
Nagpasalamat sina Alden at Kathryn sa pagpapakita ng suporta ng mga kinatawan ng gobyerno sa Philippine cinema.
"We're very grateful din naman talaga na mas nabibigyan tayo ng support ngayon, ng ating government when it comes to the entertainment industry," sabi ni Alden.
Nasa ikalimang linggo na ngayon ang "Hello, Love, Again," na ipinalalabas sa higit 300 mga sinehan worldwide. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News