Isang menor de edad na lalaki ang nasawi, habang nasa 10 iba pa ang bahagyang nasugatan sa sunog na sumiklab sa Barangay Pinagbuhatan, Pasig City nitong Linggo ng umaga.
Sa ulat ng GMA News "24 Oras Weekend," sinabi ng Bureau of Fire Protection na aabot sa 20 bahay ang nasunog at hindi bababa sa 60 pamilya ang nawalan ng bahay.
Inaalam pa ang sanhi ng sunog na umabot sa ikalawang alarma.
Sa hiwalay na ulat ni Carlo Mateo ng Super Radyo dzBB, Carlo Mateo, sinabi ng isang residente na nagsimula umano ang sunog sa isang bahay na walang kuryente.
Nagsimula umano ang sunog dakong 3:47 a.m. sa Acacia Street. Ayon kay BFP ground commander Robert Marabilla, naapula ang sunog 6:03 a.m.
Nakita ang nasawing biktima sa isa sa mga nasunog na bahay.
Ayon sa Pasig Police, magsasagawa ng imbestigasyon ng mga tauhan ng Scene of the Crime (SOCO) sa insidente.-- FRJ, GMA Integrated News