Nasawi ang isang motorcycle rider matapos siyang masagasaan ng isang bus sa Antipolo, Rizal. Ayon sa pinsan nito, nakausap pa niya ang biktima bago malagutan ng hininga at sinabing: "hindi ko na kaya."
Sa ulat ni Bea Pinlac sa GMA News 24 Oras Weekend nitong Linggo, makikita sa CCTV footage na binabagtas ng bus ang Buliran Road sa Barangay San Isidro nitong Biyernes ng madaling araw na tila nalubak.
Pero paglampas ng bus, makikita na ang motorsiklo at ang rider na nakahandusay sa daan.
Kinilala ang biktima na si Limuel Disierra, na nawalan umano ng balanse matapos masagi ng bus at nagulungan.
“Pag-overtake ng pinsan ko, nasagi po ng bus. Doon nawalan ng balance pinsan ko. ‘Yung motor po, tumilapon tapos ‘yung pinsan ko, nasa ilalim ng bus, doon siya nagulungan,” kuwento ni John Christopher dela Cruz, pinsan ni Disierra.
Ayon kay Dela Cruz, nakausap pa raw niya ang biktima bago nalagutan ng hininga.
"Sabi niya hindi ko na kaya. Sabi ko, lumaban ka, kaya mo ‘yan kasi magpapasko, kulang tayo. Tapos bigla na siyang nawalan na ng ano...,” saad ni Dela Cruz.
Ayon kay Antipolo Police chief P/Lieutenant Colonel Ryan Manongdo, inarkila ng isang paaralan ang bus na nakasagasa sa rider.
"May isang school diyan na nag-hire ng mga bus para educational tour. Naka-convoy kasi ‘yung mga driver natin. Tatlong bus po kasi ‘yun. ‘Yung dalawang bus kasi—smooth ‘yung flow. ‘Yung pangatlong bus, parang tumalon,” sabi ni Manongdo.
Nahanap at naaresto ang driver ng bus sa isang pasyalan sa Laguna.
"Wala po akong naramdaman na kumalabog sa gilid dahil wala din akong nakitang motor sa side mirror. Wala po akong ilaw na nakita eh. Hindi ko po sinasadya at humihingi po ako ng tawad sa kanila,” pahayag ng driver, na nahaharap sa reklamong reckless imprudence resulting in homicide.
Hindi naman sinang-ayunan ni Dela Cruz ang pahayag ng driver, "Sabihin niya po ‘yung totoo. Hindi ‘yung tinatanggi pa niya.
"Sana po hustisya nalang ‘yung amin. Tuloy po ‘yung kaso para sa kaniya,” sabi naman ni Jobert Rivano, pinsan ni Disierra.-- FRJ, GMA Integrated News