Ang tropa ng University of the Philippines (UP) ang nanaig sa makapigil-hinigang Game 3 nila ng De La Salle University, upang iuwi ng Fighting Maroons ang korona para sa UAAP Season 87 men's basketball nitong Linggo.
Sinaksihan ng nasa 25,248 basketball fans ang laban sa Smart Araneta Coliseum, at itala ng UP ang tagumpay nila sa iskor na 66-62.
Lamang ng 14-point ang UP, 54-40, sa kalagitnaan ng ikatlong quarter nang magpakawa ng tres si CJ Austria upang magsimula ang pagbawi ng La Salle.
Gayunman, nagtapos ang naturang yugto ng laban sa iskor na 56-50, pabor pa rin sa UP.
Nakadama ng kaba ang fans ng UP sa simula ng final round nang maging mainit ang mga kamay ng Green Archers at kumamada ng 6-0 run. Pero pinalamig sila ni Quentin Millora-Brown (QMB) at napatabla ni Josh David ang iskor.
Ibinigay ni JD Cagulangan sa UP ang muling kalamangan, 61-58 sa nalalabing 6:53 minuto ng laban. Mula rito, naging matumal ang buslo ng magkabilang panig hanggang sumapit na ang kritikal na yugto.
Sa 1:34 na natitira sa laro, naging isa na lang ang lamang ng UP mula sa tirada ni Lian Ramiro ng La Salle. Sinagot naman ito ng tres ni Francis Lopez para bigyan ng tatlong puntos na lamang ang Fighting Maroons.
Tumira ng jumper si EJ Gollena sa natitirang 44 segundo, bago magmintis si Cagulangan sa kanya ring jumper.
Nakaiskor pa sa free throw line si QMB mula sa foul ni Mike Phillips na nagselyo na sa panalo ng UP.
“I want to thank God for this one. 'Yung preparation ang pinakaimportante sa amin. Siyempre, 'yung sakit ng two years, ginawa naming motivation. No matter how hard it is to prepare, nilaban namin,” sabi ni UP head coach Goldwin Monteverde.
“It was tough, especially with a team like La Salle. They have a strong program. Nung natalo kami nung elimination round, we needed to take away the doubt. 'Yung belief namin sa sarili namin, binalik namin,” dagdag niya.
Sa Game 1 ng finals, tinalo ng UP ang La Salle sa iskor na 73-65. Nakabawi naman ang La Salle sa game to sa iskor na 76-75 sa Game 2 para mahatak ang serye sa Game 3.
Iskor:
UP 66 – Millora-Brown 14, Lopez 12, Cagulangan 12, Abadiano 9, Alarcon 7, Fortea 4, Stevens 4, Torres 2, Ududo 2, Felicilda 0, Bayla 0, Torculas 0.
DLSU 62 – Phillips 18, Quiambao 13, David 6, Macalalag 6, Agunnane 5, Ramiro 5, Austria 3, Gollena 2, Rubico 2, Dungo 2, Marasigan 0, Gonzales 0.
Quarters: 21-21, 42-36, 56-50, 66-62.
— mula sa ulat ni Justin Kenneth Carandang/FRJ, GMA Integrated News