Walang "takot" na pinangalanan ni Jak Roberto sa show na "Lutong Bahay" ang aktres na inilarawan niyang "grabe" kaya ayaw na niyang makatrabahong muli. Alamin kung sino.

Sa naturang show, sinabi ng host na si Mikee Quintos na ibi-bleep nila ang pangalan kung tutukuyin ni Jak kung sino ang aktres na ayaw na niyang makasama sa trabaho.

Pero sabi ni Jak, hindi na kailangang i-bleep ang pangalan, kaya nagulat si Mikee sa pagiging daring ng aktor.

“Kahit hindi niyo i-bleep. Grabe 'to, ayaw ko nang makatrabaho," seryosong sabi ni Jak na sinundan ng pagtawa nang sabihin ang pangalan ng aktres na kapatid pala niya-- "si Sanya [Lopez].”

Paliwanag ni Jak, nauuwi sila sa tawanan kapag magkatinginan sila ni Sanya sa eksena.

“Nagtatawanan kami kapag nagkakatinginan kami. 'Di ba 'pag uma-acting kami, e di seryoso 'yung eksena, hindi namin kaya,” natatawang sabi ni Jak.

Gaya noong ginawa umano nila ang series na "Half Sisters" noong 2014 na pinagbidahan nina Barbie Forteza at Thea Tolentino.

“Seryoso na 'yung eksena, nag-iiyakan na 'yung dalawang artista tapos nagkatinginan kami...wala na. Tapos after nun, tumawa na kami nang tumawa,” ayon kay Jak.

Natapos naman daw ang eksena pero nakayuko lang sila ni Sanya.

Gayunman, bukas naman daw si Jak na makatrabaho ang kapatid pero aminado siyang magiging challenge ito sa kanila kapag nagkatinginan dahil lagi umano silang nag-aasaran na magkapatid sa bahay.— FRJ, GMA Integrated News