Dahil sa mga makabagong teknolohiya at artificial intelligence (AI), mas nagiging madali ang paggawa ng mga "deepfake," at ginagamit ng iba para magpakalat ng maling impormasyon. Paano nga ba malaman ang totoo sa hindi? Alamin.

Sa ulat ni Raffy Tima sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, ipinaliwanag na isa sa mga halimbawa ng deepfake ay ang paggamit ng orihinal na video na pinapatungan ng ibang boses o ibang sinasabi o mensahe.

Ipinakita sa naturang ulat ang video ni Raffy habang nagbibigay ng balita pero pinalitan ang boses niya ng iba't ibang lengguwahe.

Ayon kay Carlo Nazareno, ng Director for Rights of Democracy.net.ph, mas nagiging accessible na ngayon sa publiko ang paraan ng paggawa ng deepfake.

"Gagamit ka lang ng app, makakapag-deepfake ka na. Tsaka kailangan mo lang ngayon ng gaming PC, kaya mo na gumawa ng Deepfake as sarili mong computer," saad niya.

Mas nakakaalarma rin umano ngayon dahil nagiging mas makatotohanan ang mga imahe sa deepfakes kaya napapaniwala ang mga tao.

"Very realistic na siya ngayon in certain respects lalo na kapag 'yung gumawa ng deepfake is marunong gumamit ng visual effects or visual effects artist," dagdag ni Nazareno.

Gayunman, may paraan pa rin naman para mabisto kung deepfake o pineke ang video.

"Tingnan mo na mabuti 'yung ngipin habang nagsasalita. Kasi, minsan nagwa-warp 'yung ngipin, pati 'yung labi. So, 'yon 'yung isang bantayan. Pero 'yung pinakababantayan natin 'yung mensahe mismo. Tanungin natin kung may parang agenda ba itong video na pinapanood natin," paliwanag niya.

Ganito rin ang payo ni Dominic Ligot, data analyst at AI ethics advocate, na suriin ang mensahe sa video upang malaman kung totoo ito.

"Dapat matuto tayo to think of the context, ano ba ibig sabihin nun? Ano 'yung intention or mukhang intention nung content or video , may sinisiraan ba? Or meron bang hina-hard sell na something products or services. Usually 'yon 'yung dalawa e, reputation attack and hard selling," pahayag niya.

Pinupuntirya rin umano ng mga gumagawa ng deepfake ang emosyon ng mga netizens.

"Gusto ka nilang ginagalit, pinapalungkot ka para 'yung gagawin mo sa daliri mo either to share or mag-react ka doon sa post. E 'yun kasi translates into money for the publishers," sabi ni Celine Samson, pinuno ng Online Verification of Vera Files, ang third-party fact-checking partner ng Facebook ng Meta.

Bukod sa mensahe, sinabi ni Ligot na isa pang dapat suriin ang pinagmulan ng video o larawan para malaman kung peke ito o hindi.

"One of the best places to start is sino 'yung source? Sino nagsabi niyan, is it a credible source? Or some random website lang, some random page, dun ka magsisimula and then later, ano ba 'yung ina allege ng post na 'yan," pahayag niya.

Bagaman may paraan malaman ang deepfakes, sinabi ni Janina Santos ng Democracy.net.ph, na mas mahalaga pa rin na maunang mailabas ang totoo kaysa sa maling impormasyon.

"Importante po 'yung tinatawag din na prebunking kung saan sinisigurado natin na mauuna tayo sa pagpapakalat ng totoong impormasyon," ani Santos.

"Gusto po natin na mauna para po ma-frame po natin 'yung ating mga kababayan na ito talagang 'yung totoong nangyayari. We can call it truth inoculation," patuloy niya.

Ayon kay Department of Information and Communications Technology (DICT) Undersecretary Jeffrey Ian Dy, hanggang ngayon ay wala pa ring bata sa ASEAN region patungkol sa ipino-post online na nakakapanakit.

"Wala rin tayong regulatory powers over social media networks and over OTBs, 'yung mga chats, so that actually emboldens them to do things kasi hindi naman sila nare-regulate, wala ring maayos na reporting mechanism," sabi ni  Dy kaya kailangan maging mapanuri at maingat.-- FRJ, GMA Integrated News