Halos hindi na makatayo at makalakad ang isang lola sa Tacloban, Leyte matapos tubuan ng malaking bukol na mistulang naging ikalawa niyang mukha. Ang bukol, dati raw na kasinglaki lang ng holen.
Sa kuwento ni Saleema Refran sa programang “Brigada,” sinabing karaniwang nakaupo na lamang sa kanilang bahay ang 60-anyos na si Avelina Lacreo. Hirap na kasi siyang gumalaw dahil sa malaking bukol sa kaniyang mukha.
Nag-viral online kamakailan ang larawan ni Avelina habang kasalo niyang kumain ang kaniyang mga apo sa labas ng isang tindahan.
“Agaw atensyon po kasi, especially dahil malaki ang bukol ni nanay. So naaawa po talaga ako sa kaniya kaya po kinuhanan ko na po ng picture. Naaawa po kasi paano kung ‘yun po ang mga magulang ko, peligro po na nasa daan sila. Kaya kinunan ko na sa lalong madaling panahon para ma-ipost din po,” saad niya Monica Salazar, nag-post ng viral photo.
Ang bukol na tumubo sa isang bahagi ng kaniyang mukha, kasinglaki ng palad at may bigat daw na halos pitong kilo. Dahil masakit at mabigat, may pagkakataon na kailangan niya itong hawakan.
“Marami po naapektuhan dito [bukol]. Lumalaki po siya tapos hinayaan ko na lang kasi nu’ng pumunta naman ako sa doktor, sinasabi na hindi raw ako puwedeng mag-isa-isa lang, gusto ooperahan daw ako. Pero wala naman akong pera. Sobrang hirap kaya pinabayaan ko na lang na ganito,” ani Avelina.
Dahil sa kaniyang kondisyon sa mukha, pumapasok sa isip niya na wakasan na ang buhay.
“Sabi ng anak ko, 'mama ‘wag mong gawin.' Mga anak ko hindi nakapag-eskwela, hindi sila tapos,” emosyonal niyang pahayag.
Ayon kay Abegail na anak ni Avelina, naapektuhan ng bukol ang pagkain ng kaniyang ina, ang pananalita, ang pandinig, at halos hindi na makakita ang isang mata.
“Hindi na niya kayang maglakad, magsalita ng maayos. Tapos ‘yung pagluluto dati, siya ‘yung nagluluto, ngayon hindi na siya nakakagalaw kahit pagtayo lang. Kahit pag-ihi hindi na siya, nakakaihi, nagpapabuhat na lang siya,” dagdag pa niya.
Kasama rin sa nag-aalaga kay Nanay Avelina ang kapatid ni Abegail na si Nicole.
Ayon kay Nicole, 2016 daw nang magsimulang tumubo ang bukol sa mukha ng kanilang ina na noon ay kasing-laki lang ng holen.
“Wala pa po siyang nararamdaman nu’n kasi maliit pa po ang bukol niya noon. Nararamdaman na po siya nu’ng malaki na po ang bukol niya,” salaysay pa ni Nicole.
Sinabi ni abegail, tumanggi noong ang kaniyang iba na maoperahan dahil sa takot.
Dahil sa kakapusan sa pera, hindi na siya nakakainom ngayon ng gamot.
Pero ano nga ang malaking bukol na tumubo sa mukha si Avelina at pupuwede pa kaya siyang operahan o gamutin? Tunghayan ang buo niyang kuwento sa video na ito ng "Brigada."--FRJ, GMA Integrated News