Maliit man sa paningin ang calamansi, malaking tulong naman sa kalusugan ng tao ang kaya nitong ibigay dahil sa taglay na bitamina. Alamin kung anu-ano ang benepisyong makukuha sa calamansi.
Sa kuwento ni Athena Imperial sa programang “Dapat, Alam Mo!,” sinabing ang calamansi o kilala rin sa tawag na calamondin, ay native o likas na nabubuhay sa Pilipinas at ilang bansa sa Southeast Asia.
Ayon sa registered dietician nutritionist na si Jirah Asa Sideco, ang bawat piga daw ng calamansi ay nag-uumapaw sa vitamin C.
“Ang 100 grams ng calamansi ay nagtataglay ng 45 milligrams ng vitamin C na katumbas din po ng vitamin C na makukuha natin sa lemon,” paliwanag ni Sideco.
Sa limang medium sized na calamansi, sinabi ni Sideco na maaari nang makuha ang 60 milligrams ng vitamin C, na inirerekomenda kada araw.
Nagtataglay din umano ang calamansi ng pectin o natural fiber na nakakapag-pababa ng blood cholesterol, blood sugar at blood pressure.
Dagdag pa ni Sideco, beauty tonic din ang calamansi.
“Ang epekto din nito sa ating balat ay nakakapagpa-firm po kaya mas makinis at mas maganda po ang kutis ng isang taong regular na kumakain po ng calamansi,” giit pa niya.
Samantala, may tanim ng calamansi si Rodrigo de Leon Mercado sa Tarlac City ng apat na ektaryang lupain o katumbas ng halos 30,000 puno ng calamansi.
Kuwento ni Rodrigo, mahigit 30 taon siyang naging magsasaka sa Middle East, at nag-isip siya noon kung ano ang gagawin sa Pilipinas kapag nagretiro na.
“Hindi naman habang buhay ay du’n tayo palaging naghahanap-buhay. Darating din ang panahon na magkaka-edad tayo, kapag retiro ko sa overseas ay at least may pagkakakitaan… talagang napakalaki ng kita ng nagka-calamansi… habang nandu’n pa ako sa abroad pinapa-establish ko ‘to sa wife ko,” saad niya.
Sinabi rin ni Rodrigo na ang bawat puno ng calamansi ay maaaring tumagal ng 30 taon.
“Tatagal ang calamansi kapag maganda ang maintenance mo. Ibig sabihin hindi mo na sila napapabayaan sa mga cultural practices, fertilizer requirements nila,” dagdag pa niya.
Natutulungan din ng kaniyang mga tanim na calamansi ang kaniyang mga ka-barangay.
“Isang purpose ko ‘yan. Gusto ko kasi if ever na ako ay magretiro sa aking trabaho, may naipundar ako sa sarili ko at the same time makakatulong ako sa ka-barangay ko. Ito rin ang source of living namin,” ani Rodrigo. --FRJ, GMA Integrated News