Ngayong holiday season, mapaparami na naman ang kain. Kaya naman hindi rin maiiwasan na madagdagan ang timbang. Pero gaano kaya katotoo na maiiwasan daw ang pagdagdag ng timbang sa pamamagitan ng low carb diet? Alamin.
Sa programang “Pinoy MD”, ikinuwento ng 24-anyos na si Zac Adrian Landicho na dati na raw siyang tinutukso dahil sa malaki niyang katawan.
“Noong medyo lumaki-laki na, ang tawag sa akin model daw ako ng french fries. Kaya kong umubos ng dalawang kilo nu’n within a day,” saad ni Zac.
Dagdag pa ni Zac, hindi niya raw matanggihan ang pagkain ng carbohydrates. Kaya habang lumalaki ay pabigat din ng pabigat ang kaniyang timbang.
“Sinasabi sa akin nu’ng bata ako ‘bola’, ganon. Tapos laging sinasabi na kakakain ko lang, kakain ulit. Board ng basketball court, ganyan kasi malapad daw at hirap daw tumayo, hirap akong tumayo. Ang patayo ko laging pagapang,” patuloy niya.
“Totally wala talagang insecurity sa katawan ko eh. Kasi gusto ko lang nu’n kumain. Wala naman akong pakialam sa katawan ko kasi siyempre bata pa naman ako. Iniisip ko bata pa naman ako. Nagtatrabaho naman ako kaya deserve ko naman kumain,” giit pa niya.
Gayunman, nang magkaroon ng trabaho, sinabi ni Zac na deserve pa rin niyang kumain nang marami kaya umabot ang kaniyang timbang sa 120 kilos.
Dahil dito, nahirapan na raw siyang umupo at yumuko.
“Wala po akong sports. Hindi ako marunong mag-bike. Hindi ako marunong lumangoy. Ang kaya ko lang gawin ay kumain at saka matulog,” sambit ni Zac.
Hanggang ang trabaho na rin ang nagtulak sa kaniya para magpapayat.
“’Yung contest sa kaniya ang sabi sa amin ay pinakamagandang mangyayari sa katawan. After a week parang nag-lose ako ng 4 kilos. Ginagawa ko nu’n home workout. Jogging sa hapon. Natuwa ako sa results. Pinagpatuloy ko nang pinagpatuloy hangga’t hindi ko namamalayan bumaba na ako ng 20 kilos within two months,” ani Zac.
Pero ano naman ang low carb diet na naging bahagi rin ng programa ni Zac para magbawas ng timbang?
Ayon sa isang nutritionist na si Mabelle Aban, ito ang diet na babawasan ang pagkain ng carbohydrates tulad ng tinapay, kanin at iba pa.
Nakakatulong daw ang ganitong diet sa weight loss.
“‘Yun nga lang, short-term weight loss. Nakakatulong ito na ma-prevent ang ilang conditions tulad ng ilang types ng cancer at pati na rin ang neurodegenerative diseases,” paliwanag ni Mabelle.
“Ang low carb diet ay isang paraan ng nagmo-modify ng pagkain kung saan binababa or napakababa ng dami ng carbohydrates or carbs in our diet. Ito ‘yung nutrient na nagbibigay sa atin o pangunahing source ng ating energy sa katawan,” saad pa niya.
Samantala, sinabi ni Zac na kahit iba ang nanalo sa contest sa kanilang opisina, panalo pa rin siya dahil nakamit niya ang kaniyang goal na mabawasan ng timbang.
“Para sa akin, parang ako ang nag-champion. Kasi una, na-achieve ko ang goal ko. ‘Yung katawan ko na gusto ko na pinangarap ko dati pa. ‘Yung mga dati kong hindi nagagawa tulad ng tumayo nang mabilis, umupo nang mabilis. Tapos kaya ko ng tumakbo kahit gaano katagal,” sabi niya.
Nakamit daw ni Zac ang pagbaba ng kaniyang timbang na 85 kilos sa pamamagitan ng intermittent fasting at low carbohydrate intake diet.
“Kapalit naman nu’n more on water. Siguro within a day nakaka-5 or 6 liters ako ng tubig. Nag-umpisa ako mag-low carbs. Tapos tinanggal ko ang sugar. Tapos inunti-unti ko ang pagbawas ng rice. Kasi ang rice mayroon siyang carbs, mayroon din siyang sugar. Hanggang sa nasanay na ako ng nasanay,” banggit niya.
Gayunman, ikinuwento ni Zac na hindi naging madali ang kaniyang weight loss journey.
“Gusto kong pumunta kahit saan tapos du’n ako kumain. Ayaw ko nang magpakita sa bahay kasi gutom ka na tapos pagtatawanan ka pa nila. Iinggitin ka pa nila. Makikita mo ang ulam nila ang sarap. Maiinggit ka tapos papaamoy pa nila sayo,” kuwento pa niya.
“Nu’ng nag-low carbs po ako, bumili ako ng tuna na brine in water para totally wala siyang oil, totally wala siyang kahit na ano, tubig lang. Tapos less salt. Tapos nagtanggal ako ng rice, ng noodles. Ang pinalit ko sa kaniya ‘yung puti ng itlog. Within 14 months ganu'n ang ginawa ko,” dagdag pa ni Zac.
Samantala, ipinaliwanag naman ni Mabelle na dapat kontrolado o tama lang ang diet intake sa bawat pagkain.
“Ibig sabihin precisely pinaplano ang dami ng carbohydrates in your diet at na-maintain ang tamang balanse ng protein at even fats in the diet kasama na rin ang carbs. Tapos magandang isabay din du’n kung gusto mong mamayat ay talagang binabaan ang total na dami ng calories o ‘yung dami ng pagkain ng isang tao,” paliwanag niya
Makakatulong daw kung kukunin ang carbs o pipiliin ‘yung quality ng carbohydrates sa diet ng tao.
“Kung nagagawa ito nang tama, posibleng makatulong sa management ng diabetes. More or less ikokontrol lang naman ang dami ng carbohydrates base sa pangangailangan ng katawan ng tao,” sabi pa ni Mabelle. --FRJ, GMA Integrated News