Hindi makapaniwala ang isang lalaki sa Florida, USA sa kaniyang napulot sa isang beach-- diamond ring nagkakahalaga ng katumbas na P2.2 milyon. Maibalik pa kaya niya ito sa may-ari?
Sa video ng GMA News Feed, sinabing sinuyod noon ng metal detectorist na si Joseph Cook ang kahabaan ng Hammock Beach nang may ma-detect siya sa buhanginan, at napasigaw nang makita ang naturang bagay.
Ayon kay Cook na isa ring content creator, matagal na niyang hobby ang pagiging metal detectorist.
Akala raw niya, nickel o barya lang ang kaniyang na-detect sa buhanginan.
Pero nang tingnan niya itong mabuti, hindi makapaniwala ang lalaki na nakakuha siya ng diamond ring sa buhanginan.
Lalo siyang nagulat nang magpunta siya sa mga tindahan ng alahas at nalaman niya ang presyo nito.
“When I went to the jewelers, they told me it was worth $40,000. I just said, ‘OH god that has been sitting in my scooter for almost a week! I could not believe it,” saad ni Cook.
Gayunman, hinanap ni Cook ang may-ari ng singsing para maisauli.
Nag-post si Cook sa social media hanggang matunton niya ang mag-asawang may-ari nito na nakatira sa Jacksonville na mahigit 100 kilometro ang layo sa beach.
Ang reward daw na nakuha ni Cook, “I got nothing. I hope a good karma. I’ve returned $60,000 worth of stuff this year, but nothing even close to this before. I really wasn’t disappointed that I had to return it.” -- Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News