Totoo nga ba na mayroong dalawang aktor ang pinaalis noon sa studio dahil nag-away at parehong nanliligaw kay Mikee Cojuangco-Jaworski?
Sa podcast na "Surprise Guest with Pia Arcangel," atubili man na magkuwento dahil matagal nang nangyari, ibinahagi ni Mikee na nangyari ito noong nagda-dubbing siya para sa isang pelikula.
"Dumating 'yung isa, kasi siguro may project din sila doon. So the usual na 'Mamaya, mamaya, nagtatrabaho ako.' Ang sungit 'no? Tapos dumating ang isa, kasi nalaman nga na andoon ako, eh may work din nearby, wala pang cellphone nu'n, I didn't have a beeper, kasi ayaw ko nga 'yung nako-contact," sabi ni Mikee.
Kalaunan, nalaman niyang nag-away na pala ang dalawang aktor na hindi tinukoy ang pangalan.
"Tapos after, may pumasok, tapos nag-aaway daw sa labas. I called the director of the film that I was dubbing for. 'Direk, ganiyan-ganiyan.' Sabi niya 'Hindi ako nagtatrabaho ngayon eh,' mukhang nakainom. I was like, no one's gonna help me kasi wala naman siyang (direktor) work 'di ba."
Hanggang sa hindi na natiis ni Mikee ang dalawang nag-aaway na aktor at kinompronta niya ang mga ito.
"Oh my gosh, so lumabas ako, 'Alam niyo, istorbo kayo,' as in ganu'n. Kasi nga I am an athlete right, ako sanay ako na ginaganu'n ako eh. 'Alam mo ayusin mo ang ginagawa mo,' I'm used to that kasi its business."
"'Alam niyo, nagtatrabaho ako. Kung andito kayo dahil gusto niyo na pasayahin ako kasi interesado kayo, ako na mismo nagsasabi sa inyo, hindi ako natutuwa,'" kuwento niya.
Pinrangka raw ni Mikee sa maayos na paraan ang dalawang aktor na wala siyang gusto sa mga ito.
"And I was like so sweet naman, I said it naman so nice. I was like 'Kasi hindi naman ako natutuwa,' sabi ko. 'Kung gusto niyong mag-away, okay lang. Pero siguro useless na pag-awayan niyo ako kasi hindi naman ako pipili ng kahit isa sa inyo.' I literally said that."
Paliwanag ni Mikee, kailangang magpakita ng respeto ang isang manliligaw kung tunay siyang interesado sa kaniyang nililigawan.
Ngunit tila hindi raw nakuha ng mga aktor ang kaniyang mensahe.
"Actually ito ang nasa ulo ko na gusto kong sabihin, 'Ganito rin trabaho niyo 'di ba? Gusto niyo gagawin sa inyo 'yon?'" tanong ni Mikee sa mga manliligaw niya.
"Sila 'yung face nila, 'Yes kasi siyempre nakakakilig if someone will do this for us,'" tugon daw ng mga lalaki.
"'Well hindi ako kinikilig at hindi ako natutuwa. At nag-aksaya kayo ng oras ko. Alam niyo naman na nagte-training ako. Ano 'to? Five minutes na ako nandito nakikipag-usap sa inyo. That's five minutes more of sleep that I could have gotten before I train," diretsahang sagot ni Mikee sa dalawa.
Ikinasal si Mikee kay Robert "Dodot" Jaworski, na vice mayor ngayon ng Pasig City, at 23 taon na ang kanilang pagsasama bilang mag-asawa.--FRJ, GMA News